SUNOD-SUNOD na pinagdadampit ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang drug traffickers, apat na illegal gambler, at dalawang wanted persons sa iba’t ibang lugar sa Bulacan, hanggang nitong Linggo ng umaga, 12 Febrero.
Unang naaresto ang tatlong personalidad sa droga sa magkahiwalay na buybust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto at Bocaue MPS.
Kinilala ang mga suspek na sina Eduardo Tapang ng Brgy. Caingin, Bocaue; at Larry Tajudar at Sandrex Pascua, kapwa ng Brgy. Malis, Guiguinto, nasamsaman ng pitong pakete ng hinihinalang shabu, coin purse, at buybust money.
Samantala, apat katao ang nadakip sa iba’t ibang anti-illegal gambling operations na inilatag ng mga operatiba ng Angat MPS, CIDG Bulacan PFU, at San Ildefonso MPS.
Naaresto ang tatlo sa tupada habang ang isa ay naaktohang nangongolekta ng taya at nagpapakilalang PCSO agent.
Nakompiska mula sa mga naarestong suspek ang mga patay na manok na panabong, mga tari, papelitos, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Samantala, arestado ang dalawang indibidwal na pinaghahanap ng batas para sa mga kasong Robbery at Qualified Theft sa magkahiwalay na manhunt operations ng tracker team ng San Ildefonso MPS.
Pahayag ni P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang pulisya sa lalawigan ay mananatiling masigla sa walang humpay na pagpapatupad ng kanilang kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa Bulacan. (MICKA BAUTISTA)