MATABIL
ni John Fontanilla
ISANG lieutenant commander ng Philippine Navy, si Lady Chatterly Alvaro-Sumbeling, na naglilingkod sa Presidential Security Group (PSG ) ang magiging kinatawan ng bansa bilang Mrs Universe Philippines sa gaganaping Mrs. Universe 2022 sa Sofia, Bulgaria, kasama ang lima pang kalahok mula Pilipinas na inilalaban din ng national pageant organization na pinamamahalan ni Charo Laude kasama sina Veronica Yu, Gines Angeles, Jeanie Jarina, Virginia Evangelista, at Michelle Solinap.
Ang nag-iisang Pilipinang nakasungkit sa korona bilang Miss Aura International na si Alexandra Faith Garciaang nagti-train kay Sumbeling, mula sa pagrampa, hanggang sa pagsagot, at sa pagtindig sa entablado.
Malaking tulong ang makakakuha ng payo mula sa isang global beauty queen para sa sundalo sa pagnanais umangat sa isang patimpalak na may mahigit 100 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nakabuti na rin ang pagkakaantala ng 2022 Mrs. Universe pageant na naunang itinakda nitong Disyembre sa Seoul, South Korea, kaya humaba pa ang panahon ni Sumbeling para makapagsanay.
Dahil sa hindi inaasahang pangyayari sa Korea, nagpasya ang organizer na Mrs. Universe Ltd. na ibalik ang patimpalak sa tahanang bansa nito, at itatanghal na ang coronation night sa National Palace of Culture (NDK) sa Sofia sa Peb. 4 (Peb. 5 sa Maynila).