BILANG bahagi ng pagpupugay sa ika-96 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Blas F. Ople, nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan katuwang ang Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ng Job Fair (Local and Overseas Employment) at Department of Migrant Workers – PGB Medical Mission sa pakikipagtulungan ng Damayan sa Barangay na isinagawa sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, lungsod ng Malolos, nitong Biyernes, 3 Febrero.
Ayon kay Atty. Kenneth Ocampo-Lantin, pinuno ng PYSPESO, higit 3,000 Bulakenyo ang nagpatala para sa pre-registration ng job fair kalahok ang 48 local employers na may hatid na 4,309 trabaho habang 22 overseas agencies ang may hatid ng kabuuang 6,918 job order sa ibang bansa.
Sa kanyang mensahe bilang panauhing pandangal, pinaalalahan ni Secretary Maria Susana “Toots” V. Ople ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Bulakenyo na maging maingat sa mga trabahong iniaalok sa online platforms gaya ng Facebook at hinikayat ang mga naghahanap ng trabaho na isaalang-alang rin ang lokal na pag-eempleyo.
“Lahat tayo nakatingin sa overseas na mga trabaho pero mahirap mawalay sa pamilya. Kaya sana balansehin ninyo ang pagdedesisyon dahil hindi lahat ay pang-OFW. At pakiusap namin ni Governor, huwag papatol sa mga trabaho na ipino-post sa Facebook. Kaya may mga nabibiktima at napapahamak dahil hindi nakikilala ang employer. Dati ang illegal recruitment face to face, ngayon puro online na. Mayroon din tayong mga government agencies na nandito sa job fair kaya sana samantalahin n’yo na,” pahayag ni Secretary Ople.
Inihayag ni Gob. Daniel R. Fernando ang kanyang interes na magsagawa ng job fair kada buwan at tiniyak na bawat Bulakenyo ay makikinabang sa lumalagong ekonomiya ng lalawigan.
“Ang job fair po natin ngayon ay alay natin sa alaala ni Blas Ople because today is his birthday. Pinasasalamatan natin ang mga ahensiya na katuwang ng ating pamahalaang panlalawigan. Patuloy po tayo sa paghikayat sa pagpasok ng iba’t ibang kompanya, proyekto, negosyo’t pamumuhunan sa Bulacan. Ito ay upang matiyak natin na masigla ang mga lokal na ekonomiya at may nakalaang mga trabaho sa bawat Bulakenyo. Bulakenyos, parating na ang development sa atin,” anang gobernador.
Nag-alok rin ang job fair ng one-stop shop kung saan maaaring makakuha ang mga aplikante ng serbisyong pang-gobyerno mula sa SSS, PSA, Pag-IBIG, PhilHealth, BIR, DMW, DTI at DOLE.
Samantala, nagpasalamat sa pamahalaang panalalawigan si Jeymalyn Larin, isang fresh graduate, dahil isa siya sa mga na-hire on the spot.
“First time ko po mag-apply dahil fresh graduate po ako at masaya po talaga ako na na-hire agad ako bilang cashier sa Villarica. Maraming salamat po sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pagbubukas ng mga oportunidad sa kagaya ko na naghahanap ng marangal na trabaho,” ani Larin.
Kasabay ng job fair ang medical mission para sa mahigit 400 overseas Filipino workers (OFWs) at mga Bulakenyo na maaari silang mag-avail ng libreng general checkup, mga gamot, bakuna laban sa tigdas, COVID-19 vaccines at booster shots sa tulong ng 10 doktor mula sa DMW, 10 doktor mula sa lalawigan ng Pampanga, at walong doktor mula sa pamahalaang panalalawigan ng Bulacan. (MICKA BAUTISTA)