TATANGGALAN na ng lisensiya ang driver ng SUV na umararo ng 12 sasakyan na ikinasugat ng 13 katao noong 13 Enero 2023.
Ito ang rekomendasyon ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay LTO-IID officer-in-charge Renan Melitante, nagbigay na ng judicial affidavit si Dominador Braga, 54 anyos, at kanyang inamin na siya ang nagmamaneho ng SUV nang mangyari ang insidente.
“Tinapos na namin ang imbestigasyon at maglalabas ang LTO ng desisyon base sa mga hawak na ebidensiya bukod sa pag-amin ng drayber,” pahayag ni Melitante.
Si Braga ay kasalukuyang nakapiit sa Mandaluyong City Police Custodial Center matapos mangyari ang insidente. Ang kanyang abogado na si Paul Nicodemes Roldan ang nagsilbing kinatawan sa pagdinig sa LTO kamakalawa, 30 Enero.
Sakaling bawian na at muling naisin ni Braga na kumuha ng lisensiya ay daraan sa mahigpit na proseso bago maaprobahan.
Nauna nang sinuspendi ng 90-araw ang lisensiya ng dalawang drayber na sakay ng SUV kasunod ng insidente.
Sinabi ni Melitante, sakaling tuluyang mapanagot sa kasong Reckless Driving ang drayber ng SUV, mananagot din ng katulad na parusa ang may-ari ng sasakyan. (ALMAR DANGUILAN)