KINONDENA ni House Deputy Minority leader Rep. France Castro ng ACT Teachers party-list ang pagbabansag ng Anti-Terrorism Council (ATC) kay Dr. Natividad “Naty” Castro bilang terorista
“The Marcos administration is continuing and intensifying the attacks launched by the Duterte administration on human rights defenders and critics of the administration. No wonder it is afraid of returning to the ICC,” ayon sa kongresistang mula sa hanay ng mga militanteng guro na si Castro (hindi kamag-anak ni Doc Castro).
Anang kongresista, si Doc Naty ay nagtayo ng rural health centers sa Mindanao para magkapagbigay ng health services sa mga indigenous communities.
“Nakagagalit itong balita ng ‘pag-designate’ bilang terorista kay Dr. Natividad Castro. Kilala siya na isang doktora at napakabait na tao. Siya ang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga Lumad na ikinatutuwa ng mga katutubo dahil malayo sa bayan ang mga Lumadnong komunidad at kailangang-kailangan nila ang serbisyong ito. Binigyan niya ang mga Lumad ng kaalaman tungkol sa common diseases at pagbibigay ng paunang lunas,” anang mambabatas na Castro.
“Sa tagal ng kanyang pagbibigay ng serbisyo sa mga komunidad at dahil sa mabuting ugali niya, napamahal siya sa mga Lumad. Hindi masamang gawain ang tumulong sa kapwa at mga nangangailangan. Hindi pagiging terorista ang paglilingkod at pagtulong sa kapwa,” dagdag ng kongresista.
“Ipinapakita nito na napaka-arbitrary, napakadali, at napaka-one-sided ng ‘designation.’ Kahit sino na lang, basta nagsisilbi, progresibo, at kritikal na boses, ide-designate bilang terorista. This is an alarming precedent and omen that signals similar acts to be done by the ATC and NTF ELCAC,” aniya. (GERRY BALDO)