MATABIL
ni John Fontanilla
HINDI nagpapaapekto si Nadine Lustre sa mga kumukuwestiyon sa hakot award na nakuha ng kanilang pelikulang Deleter na itinanghal na Top Grosser sa Metro Manila Film Festival 2022.
Ayon kay Nadine sa Thanksgiving Party ng Deleter na ginanap noong January 11, sa Greyhound Cafe sa Rockwell Makati City na alam niyang hindi naman lahat ay aayon sa naging resulta ng MMFF. May iba pa ring pupuna sa pelikula, pero hindi na iyon mahalaga kay Nadine kung anong sasabihing ‘di maganda ng ibang tao. Dahil ang mahalaga ay masaya sila sa naging resulta ng pinaghirapan nilang pelikula.
At kahit nga si Nadine ay hindi umaasang mananalo ng best actress, dahil hindi siya assuming na tao, ang mahalaga ay nagampanan niya ng maayos ang kanyang role at nagustuhan ng mga manonood. Bonus na lang ang pgkapanalo niya ng best actress.
Kaya naman thankful nga ito sa mga taong tumangkilik ng Deleter kaya sila ang itinanghal na top grosser sa taunang festival.
At sa pagwawagi ng best actress at sa pagkakaroon ng box office movie ay mas na-inspire si Nadine na magtrabaho nang magtrabaho ngayong 2023.