AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
DISYEMBRE 31, 2022, nagtapos ang maliligayang araw ng mga pasaherong suki o tumatangkilik sa EDSA Carousel. Kasabay kasi ng pagtatapos ng taon ang pagtatapos din ng libreng sakay sa mga carousel bus.
Naging malaking tulong ito sa marami, partikular sa mga manggagawa na isang kahig, isang tuka. ‘Ika nga nila, iyong araw-araw na natitipid nilang pasahe ay napakalaking tulong – pambigas na rin kung baga.
Kaya nang matapos ang libreng sakay, marami ang nalungkot at nananawagan sa administrasyon ni Ferdinand Marcos, Jr., na sana’y ibalik ang libreng sakay.
Well, darating din iyan mga kababayan… pinag-aaralan na raw ng Palasyo ‘yan at ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Transportation (DOTr) lalo ng Department of Finance (DOF). Inaalam kung saan bubunutin ang pondo para rito. Kaya huwag lang mainip… next month daw malamang, libre na naman ang sakay sa mga PUB sa EDSA carousel.
Dahil natapos na ang libreng sakay, bayad muna ang mga suki ng carousel. 1 Enero 2023 nagsimula ang bayad — pasahe muna. No choice ang commuters kailangan nilang magbayad.
Sumunod ang mga commuters kaya lang ay nalilito sila sa magulong sistema ng mga bus carousel. Hindi magkakapareho ang singil sa pasahe ng mga konduktor sa kabila na may fare matrix na ipinalabas ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTRFB).
Nakarating ang reklamo ng commuters sa LTFRB partikular kay Chairman Teofilo Guadiz III. Siyempre, hindi ito babalewalain ni Guadiz at sa halip, agad niyang tinugunan ang reklamo.
Ipinatawag ni Guadiz ang dalawang consortium na nagpapatakbo ng EDSA Carousel upang tiyakin sa susunod sa ipinaiiral na fare matrix o ang tamang pasahe na itinakda ng LTFRB.
Sa pakikipagpulong ni Guadiz sa dalawang bus consortium, ipararating nito ang reklamo ng mga pasahero hinggil sa magkakaibang halaga ng pasahe o hindi nasusunod na fare matrix kaya may pagkakataon na nagbabayad sila ng mas mataas.
Dahil dito, ipinag-utos ni Guadiz na dapat pag-aralang mabuti at sundin ng mga operator, drayber at konduktor ng pampasaherong bus sa EDSA Carousel na nasisingil ang tamang pasahe alinsunod sa fare matrix.
“May fare matrix na ginawa ang LTFRB at ito ay aming ibinigay sa lahat ng mga kompanya ng bus kaya marapat itong masunod. Pero maaaring may pagkakataon na iba ang pagkakaunawa ng ilang konduktor sa fare matrix,” ayon kay Guadiz.
“This is the point where we think conductors need retooling to help them determine the correct fare. Pero naniniwala kami na ang mga nangyari ay mga isolated cases lamang and there was clearly no intent to overcharge. It may just be a mis-appreciation of the fare,” dagdag ni Guadiz.
Nangako ang dalawang bus consortium na kakausapin nila ang kanilang mga konduktor hinggil sa isyu.
Makalipas ang pulong nitong nakaraang linggo, simula noong Sabado ay wala nang narinig na reklamo mula sa mga pasahero. Ibig bang sabihin nito ay sumunod na ang dalawang consortium lalo na ang kanilang mga konduktor? Maaari pero hanggang kailan kaya susunod ang mga konduktor?
Hindi ba mas maganda rin Mr. Chairman Guadiz kung gumagawa pa kayo ng iba pang hakbangin — ang hulihin sa akto ang mga konduktor? Magtanim kayo ng empleyado na magpapanggap na pasahero. Sa estilong ito ay mahuhuli sa akto ang mga balasubas na konduktor na ayaw pa rin sumunod. Bigyan naman ng kredito o komendasyon ang mga sumusunod sa fare matrix.
Pero ano pa man, saludo ang mga pasahero kay Guadiz sa kanyang mabilisan pagtugon. Kapansin-pansin ngayon na wala nang reklamo pero sana hindi ningas kugon ang dalawang consortium. Matanong lang po, commission basis ba ang mga konduktor sa dalawang consortium?