Sunday , November 17 2024

Ang problema ng shortcuts

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ANG nakababahalang apela ni Secretary Benhur Abalos sa lahat ng koronel at heneral ng pulisya ay isang malupitang shortcut.

Naiintindihan nating ‘kailangan itong gawin’ upang malinis ang Philippine National Police (PNP) mula sa matataas na opisyal nitong sangkot daw sa bentahan ng ilegal na droga. At gusto ng gobyernong maisakatuparan ito agad-agad, nang walang dumadanak na dugo gaya noong nakalipas na administrasyon.

Siguradong magiging isang malaking bahid sa kasaysayan ng pambansang pulisya ang sabay-sabay na pagbibitiw sa puwesto ng pinakamatataas nitong mga opisyal. Linawin nating hindi lamang sila basta pinagli-leave mula sa kasalukuyan nilang posisyon kundi ipinasusuko ang buong career nila sa isang panel na may limang miyembro, na magpapasya kung mananatili o tatanggalin ba sila mula sa PNP.

Ang brutal naman. Naalala ko tuloy ang isang eksena sa drama series ng History Channel na “Vikings,” kung saan kinailangang lunurin si Rollo, ang kahiya-hiyang kapatid ng pinuno ng Vikings, bilang pagsubok kung milagrosong sasaklolohan siya ng mga diyos bilang patunay na pinatatawad ang kanyang mga naging pagkakasala.

Kung mayroon mang konsolasyon sa 144 heneral at 812 full colonels na ang mga career ay mistula bang isinalang sa matinding pagsubok — nakaligtas si Rollo!

*              *              *

Gayonman, hindi napabilib si Sen. Koko Pimentel sa ‘shortcut’ na ito. Tulad niya, marami ang nagtatanong kung ang pagbibitiw ba sa tungkulin ng 956 pinakamahuhusay ng PNP ay kinakailangan para masibak ang 10, o posibleng mas kakaunti pa, mula sa PNP.

Habang isinusulat ito, may dalawa nang grupong nagpahayag ng pagtutol dito. Ang una ay sa pamamagitan ng isang open letter na kumalat sa Camp Crame, pirmado ng umano’y “mga inosenteng third-level officers.” Binatikos ng liham ang panawagan ni Abalos at ang pamumuno ng PNP Chief.

Kabasay nito, gumawa ang mga opisyal ng Police Regional Office 6 (PRO6) ng isang maingat na nasusulat na pahayag na sumusuporta kay Abalos, sa liderato ng PNP, at sa pagsisikap na malinis ang pamunuan ng PNP laban sa mga tiwaling pulis na sangkot sa ilegal na droga.

Mahalagang makompirma kung ang pahayag na ito, na ipadadala kay Gen. Rodolfo Azurin, ang kapalit ng mga courtesy resignation na hinihingi mula sa mga nakapirma sa liham.

Kung ganoon, mahaharap ba sila sa matitinding parusa? Tulad ng ano: Puwersahang pagbibitiw sa tungkulin? E, ‘di ganun din.

*              *              *

Habang nangyayari ito, mistulang may problema rin sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan nababalitang nagpaplano umanong pabagsakin ang gobyerno ng mga tauhan at opisyal ng militar.

Kumalat sa PNP ang impormasyong ito sa pamamagitan ng sinasabing peke raw na memorandum na mababasang nagmula sa tanggapan ni Azurin at ipinag-uutos ang pagpapairal ng full alert kaugnay ng mass resignations sa DND kasunod ng biglaang pagpapalit kay Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro bilang Chief of Staff ng hinalinhan niyang si Gen. Andres Centino.

Matatandaang si Centino ang unang Chief of Staff na makikinabang sana sa bagong batas na nagkakaloob sa kanya ng itinakdang termino na tatlong taon kung hindi ito kokontrahin ng Pangulo. Pero pinili ni Bongbong Marcos na palitan si Centino ni Bacarro noong Agosto, anim na buwan bago ang nakatakdang mandatory retirement ni Centino mula sa militar.

Nitong Sabado, pinanumpa ni Marcos si Centino sa tungkulin, pinaikli ang entitlement ni Bacarro sa tatlong taong termino bilang pinuno ng sandatahang lakas. Pero maging si Centino, na nakatakdang magretiro sa susunod na buwan, ay hindi pa rin nakasisiguro.

‘Yan talaga ang nagiging problema sa mga shortcuts.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …