NAMAHAGI ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng livelihood packages sa 80 Navoteños sa ilalim ng Angat Kabuhayan program ng NavotaAs Hanapbuhay Center.
Sa bilang na ito, 30 ang senior citizens, 10 ang persons with disabilities (PWDs), 20 ang parents of child laborers, at 20 ang retired o displaced overseas Filipino workers (OFWs).
Hinikayat ni Cong. Toby Tiangco ang mga benepisaryo na magsikap para umunlad ang kanilang mga negosyo at magtagumpay upang matulungan ang kanilang mga pamilyang makabangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“Although we no longer worry much about the pandemic, the effects of this global health crisis still linger and are especially evident in the country’s economic status. Our city government shall continue to provide more livelihood opportunities for Navoteño families,” aniya.
Ang mga benepisaryo ay pinili batay sa mga rekomendasyon mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Department of Labor and Employment (DOLE), at Office of Senior Citizen Affairs (OSCA).
Ang ilan ay may mga negosyong nagsara o nawalan ng trabaho o pinagmumulan ng kita dahil sa pandemya.
Dumaan sa business planning seminar ang mga benepisaryo at nagsumite ng business plan para sa kanilang napiling livelihood package.
Nagsagawa rin ng entrepreneurship seminar ang NavotaAs Hanapbuhay Center upang matulungan sila sa pamamahala ng kanilang mga negosyong kabilang sa livelihood package na ipinamahagi gaya ng sari-sari stores, rice dealership, food business, frozen goods, manicure at pedicure, at dishwashing soap production.
Nauna rito, nakatanggap ng livelihood packages ang 10 solo parents sa ilalim ng Angat Kabuhayan Program. (ROMMEL SALES)