SUGATAN ang dalawang indibidwal habang napinsala ang may kabuuang 40 bahay nang tumama ang isang ipo-ipo sa lungsod ng Iloilo at kalapit na bayan ng Oton, sa lalawigan ng Iloilo nitong Martes, 3 Enero.
Ayon sa nakalap na datos mula sa Iloilo City Operations Center, karamihan ng mga napinsalang bahay ay matatagpuan sa Arevalo district, partikular sa Bgry. Santo Domingo, na umabot sa anim na bahay ang tuluyang nawasak at 15 ang bahagyang napinsala.
Sa Brgy. Sta. Cruz, naitala ang anim na bahay na tuluyang nawasak, at 12 bahagyang napinsala.
Gayondin, sugatan ang dalawang residente sa naturang barangay nang bumagsak ang nabunot na puno ng manga sa kanilang bahay habang sila ay natutulog.
Kinilala ng Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang mga biktimang sina Rolie Villarete, 9 anyos, at Vilma Villarete, 68 anyos.
Inabot ng lagpas sa dalawang oras bago masagip ng rescuers ang mga biktima at madala sa pagamutan.
Sa bayan ng Oton, naiulat ang pinsala sa 10 bahay sa coastal barangay ng Alegre.
Kasalukuyang nakasilong ang mga apektadong residente sa evacuation centers.
Samantala, pinupunan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kanila-kanilang social welfare offices ang mga pangangailangan ng mga apektadong pamilya.