SA kabila ng kasalukuyang unos na nararanasan ni Zamboanga del Norte 1st District Rep. Romeo Jalosjos Jr., kaakibat pa rin niya ang kasiyahan dahil sa lalong lumalakas na suporta na kanyang nakukuha mula sa kanyang mga constituent sa kanilang lugar.
Si Jalosjos ay tinanggal kamakailan ng Secretary General sa talaan ng mga miyembro ng House of Representatives. Ang huli umano’y patuloy na nakaupo gayong tapos na ang termino nito noong 18th Congress, ayon kay Rep. Ace Barbers ng Surigao del Norte. Kapuwa kabilang sa Nacionalista Party sina Jalosjos at Barbers.
Unang dinala ni Barbers sa plenaryo ang bagay na ito nang kuwestiyunin niya ang legalidad, kapangyarihan at karapatan ng secretary general sa pagtanggal sa pangalan ng kongresista sa talaan ng mga miyembro ng mga kinatawan ng bawa’t distrito. Ayon pa kay Barbers, ito ay labag sa itinakda ng Saligang-Batas.
Unang nagtipun-tipon ang mga supporter ni Jalosjos sa Sunset Blvd. sa Dapitan City bago sabay-sabay na nagmartsa patungo sa city hall.
Maging ang mga residente na binaha ang mga tahanan ay kabilang sa sumuporta sa kinatawan ng kanilang distrito.
“Tinuod, nabahaan mi gahapon, pero nianhi gihapon mi ron kay lupig pay nabahaan kung wala na miy makuhang hinabang kung wala na si Congressman (Totoong binaha kami pero nagtungo pa rin kami para sumuporta dahil malala pa sa baha ang aming maranasan kung wala na kaming makuhang suporta mula sa aming kongresista),” ayon sa isang tricycle driver mula sa Barangay Sulangon, Dapitan City.
Ipinapalagay na umabot sa 20,000 ang dumalo sa martsa.