NANANATILING misteryo ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagpaslang kay Yvonette Chua Plaza, modelo at negosyante, sa labas ng kanyang bahay sa Green Meadow Subdivision, sa lungsod ng Davao, noong Huwebes, 29 Disyembre.
Inianunsiyo ng lokal na pulisya nitong Linggo, 1 Enero, ang pagtatatag ng task force para sa pag-iimbestiga sa krimen matapos ang mga alegasyong kumalat sa social media hinggil sa pagkakasangkot ng isang prominenteng personalidad sa law enforcement sa naturang kaso.
Itinatag ni P/BGen. Benjamin Silo, regional director ng PRO11 PNP, ang isang task force sa kahilangan ng Davao City Police Office (DCPO) para sa mas malalimang imbestigasyon kaugnay ng pagpaslang kay Plaza.
Nabatid na malapitang binaril ang biktima ng isa sa dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo matapos niyang bumaba ng Mitsubishi Montero at bago pumasok sa kanyang inuupahang bahay sa Green Meadow Subd., Brgy. Sto. Niño, Tugbok District, sa nabanggit na lungsod dakong 7:30 pm noong Huwebes.
Ayon kay P/Maj. Eudisan Gultiano, tagapagsalita ng Davao regional police, binubuo ang Task Group Yvonette ng 11 pulis na pinamumunuan nina P/Col. Thor Cuyos, deputy regional director for operations; DCPO director P/Col. Alberto Lupaz; at P/Maj. Randy Rajah Ramos, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ani Gultiano, tinitiyak ng pulisya ang patas na imbestigasyon sa pagtatatag ng Task Group Yvonette.
Samantala, nag-post sa social media ang isang kaibigan ni Plaza ng kanyang mga larawang puro pasa ang mukha na kinunan noong isang taon saka inakusahan ang isang personalidad na siya umanong may gawa nito sa kanyang kaibigan.
Umani ang mga larawan ng mga espekulasyong nagbunsod sa pamilya ng biktimang manawagan sa mga netizens na tumigil sa paggawa ng mga espekulasyon habang nakikipaglaban silang makamit ang hustisya.
Nanawagan ang ilang progresibong grupo kamakalawa sa mga awtoridad na huwag palampasin ang anila ay mga ‘no sacred cow’ sa kanilang imbestigasyon sa posibleng kaugnayan ng isang mataas na opisyal sa pagpaslang sa biktima.
Nag-post si Plaza ng kanyang mga larawan na may mga pasa at mga sugat sa kanyang mukha kung saan binanggit niya ang pangalan ng isang opisyal na sinabi niyang nasa likod ng pang-aabusong pisikal sa kanya.
Kinondena ng Gabriela ang krimen at kinuwestiyon ang tumataas na bilang ng mga insidente ng karahasan laban sa mga kababaihan sa mga kamay ng mga unipormadong indibidwal.