NAWAWALA ang isang 32-anyos lalaki matapos tangayin ng alon nang tangkaing sagipin ang mga kaanak na nalulunod sa isang beach sa bayan ng Binmaley, lalawigan ng Pangasinan nitong Lunes, 26 Disyembre.
Patuloy na nagsasagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMMO) at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) upang mahanap ang nawawalang si Jonald Soriano, 32 anyos, residente sa Brgy. Bacnar, lungsod ng San Carlos, sa nabanggit na lalawigan.
Ayon sa pulisya, pinanonood ni Soriano ang kanyang mga kaanak na lumalangoy sa dagat dakong 8:30 am kamakalawa nang tangayin sila ng alon.
Agad sumisid si Soriano sa dagat upang sagipin ang mga kasama mula sa pagkakalunod ngunit pati siya ay tinangay ng alon.
Nasagip ang kanyang mga kaanak kung saan tatlo sa kanila ang dinala sa pagamutan para obserbahan habang nilalapatan ng pang-unang lunas ng mga rescuer ang tatlong iba pa.