MANANATILI sa araw ng Pasko at Bagong Taon ang Oplan biyahe ng Metro Railways Transit (MRT) – 3.
Tiniyak ng MRT 3, tuloy ang kanilang operasyon na oplan biyaheng ayos sa araw ng Pasko (25 Disyembre) at Bagong Taon (1 Enero 2023) upang patuloy na mapagserbisyohan ang mga pasahero nito.
Ang unang biyahe sa araw ng Pasko at Bagong Taon mula North Avenue Station at Taft Avenue station ay 6:30 am habang ang huling biyahe mula North Avenue ay 9:30 pm at 10:09 ng gabi mula Taft Avenue Station.
Samantala, mas maikli rin ang operasyon ng MRT-3 sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon.
Ang unang biyahe mula North Avenue Station sa 24 at 31 Disyembre ay 4:37 am at sa Taft Avenue Station naman ay 5:18 ng umaga ang unang biyahe.
Sa parehong mga araw, ang huling biyahe mula North Avenue Station ay 7:48 pm at 8:26 pm mula Taft Ave., station.
Regular weekend schedule naman ang susundin para sa ika-30 ng Disyembre at ika-2 ng Enero.
Pinapayuhan din ang mga pasahero na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit sa MRT-3 upang hindi maantala ang biyahe.
Lahat ng pasahero ay isasailalim sa inspeksiyon at baggage checking, kasama iyong may mga dalang nakasarang regalo na kinakailangan nilang buksan upang mainspeksiyon. (GINA GARCIA)