ARESTADO ang isang pinaniniwalaang tulak nang makompiskahan ng mga awtoridad ng 37.4 gramo ng hinihinalang shabu sa bayan ng San Mateo, lalawigan ng Rizal, nitong Linggo ng gabi, 11 Disyembre.
Sa ulat ni P/Lt. Michael Legaspi, Jr., team leader ng San Mateo Drug Enforcement Unit, nadakip sa ikinasang buy-bust operation ang suspek na kinilalang si Lauro Agapito, residente sa Brgy. Sta. Ana, ng nabanggit na bayan.
Nabatid, dakong 10:30 pm kamakalawa nang isagawa ang operasyon sa Mangga St., Sitio Libis, sa naturang barangay.
Nakuha ng mga awtoridad mula sa suspek ang 37.4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P255,204; isang blue green coin purse; at buy-bust money.
Samantala, patuloy na tinutugis ng pulisya ang kanyang kasabwat na si Roberto Peñaflor, alyas Obet.
Hawak ng Rizal Provincial Forensic Unit ang mga ebidensiya para sa laboratory test habang nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (EDWIN MORENO)