TINUTUGIS ng mga awtoridad ang 35-anyos security guard na nangholdap at lumimas sa perang kinita ng binabantayang drug store sa Quezon City, Martes ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Erick Sebongero Mercado, 35, security guard ng Integrated Industrial Security Services Inc., at nakatalaga sa Mercury Drug Banawe branch, tubong San Carlos City, Negros Occidental, residente sa Brgy. Payatas, Area B, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District – Galas Police Station (QCPD PS-11), dakong 6:30 am kahapon 6 Disyembre, nang maganap ang holdapan sa Mercury Drug sa Banawe St., Brgy. Doña Josefa, Quezon City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Jay Jay Illacad ng PS-11, ang suspek ay inireklamo ng pharmacist branch manager ng botika na si Anna Marie Inez Fineza, matapos holdapin ang kanilang kahera na si Catherine Celis, at Jerome Cejo, Assistant Branch Manager ng nasabing drug store.
Nagulat umano ang mga biktima nang biglang pumasok ang guwardiya at tinutukan sila ng baril saka inutusan na buksan ang safety vault.
Nang malimas ng guwardiya ang pera sa kaha na aabot sa P100,000, kaswal na naglakad palabas ng botika saka tumakas sakay ng motorsiklo patungong Quezon Avenue.
Nabatid na masama umano ang loob ng guwardiya sa pamunuan ng drug store dahil hindi agad siya pinayagan na makaalis habang wala pa ang papalit sa kaniyang sekyu, at namatay ang kaniyang misis na wala siya sa tabi nito.
“Well itong guwardiya sinisisi niya ‘yung kanyang kompanyang pinagtatrabahuan kasi last month ay namatay ang kanyang asawa, hindi daw siya kaagad pinauwi, delayed pa ng mga ilang oras dahil pinaghintay siya ng kanyang karelyebo… pero whatever the reasons are, hindi acceptable ang kanyang ginawa pero bigyan pa rin natin siya ng pagkakataon na i-explain ang sarili niya kapag siya ay nahuli natin. Sa ngayon ay ongoing ang dragnet operations natin at ongoing ang ating manhunt operation sa kanya,” pahayag ni QCPD Director, Police Brigadier General Nicolas D Torre III. (ALMAR DANGUILAN)