ARESTADO ang isang high value individual (HVI) na miyembro ng isang criminal group matapos makuhaan ng mahigit P.3 milyon halaga ng shabu nang masakote ng pulisya sa buy-bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Lt. Col. Renato Castillo, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDED) ang naarestong suspek na si Jonnel Nabera, alyas Iyang, 37 anyos, miyembro ng Danny Castro Criminal Group, at residente sa Northville 2, Brgy. Bignay.
Ayon kay Castillo, dakong 12:48 am nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU-NPD ng buy- bust operation sa Northville 2, Brgy. Bignay, Valenzuela City, isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga.
Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagsilbing poseur-buyer kapalit ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakompiska kay Nabera ang halos 50 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P340,000; at buy bust money na isang P500 bill, at pitong pirasong P1,000 boodle money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)