NANAWAGAN ang grupo ng Makabayan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tapyasan ang P10 milyong pondo ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ilaan ito sa ibang kapakipakinabang na serbisyo para sa bayan.
Ayon kay Gabriela party-list Rep Arlene Brosas, isang malaking kasalanan sa taong bayan ang bantang pag-restore ng budget ng NTF-ELCAC.
“Sa rami ng kaso ng red-tagging at vilification laban sa community leaders at organizers, napatunayan na walang magandang dulot ito sa bansa kundi ilagay sa panganib ang buhay ng mga progresibong indibidwal,” ani Brosas.
“Naitulak na nating tapyasan ang pondo ng NTF-ELCAC sa Kongreso, bakit ibabalik pa patungong P10 billion ang Barangay Development Program?” tanong ng kongresista.
Giit ni Brosas, hindi masasagot ng NTF-ELCAC ang issue ng kahirapan bagkus ay nakikihati pa ito sa pondo na dapat sana’t direktang ibinibigay sa mamamayan.
“Imbes ibalik ang budget para rito, dapat tuluyan nang tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC at ilaan ito para sa mga serbisyong mas kapakipakinabang,” aniya.
Kaugnay nito nanawagan din si Brosas sa mga kasamahan niya sa Kongreso na pagtuunan ng pansin ang mga panukalang may kinalaman sa sahod ng magagawa.
Kahapon, naglunsad ng malawakang pagkilos ang iba’t ibang grupo at organisasyon bitbit ang panawagan para sa pagpapataas ng sahod at pagpapababa ng bilihin. Sa laki ng inabot ng pagkilos na ito, nakita natin na libo-libo ang nakiisa sa panawagang ito.
“Ramdam natin ang epekto ng krisis lalo’t sa matagal na panahon, napag-iiwanan ang usapin ng sahod habang halos buwan-buwan, linggo-linggo ay tumataas ang presyo ng bilihin,” ayon sa mambabatas.
“It should be a wake up call for the Marcos Jr., administration and Congress. Isama dapat ang wage bills sa priority measures na ipapasa bago matapos ang taon,” ani Brosas.
Naghain ang Makabayan bloc ng House Bill 4898 na naglalayong magtalaga ng national minimum wage na sapat sa “living wage” at buwagin na ang “regional wage boards.”
“This will enable the setting of a living wage, which ee urge Congress to prioritize this bill,” anang progresibong mambabatas. (GERRY BALDO)