Wednesday , December 25 2024

Vendors pinalayas sa puwesto kapalit ng pay parking slot ng mga motorsiklo

YANIG
ni Bong Ramos

KAHABAG-HABAG ang sinapit ng maraming vendors dito sa Maynila matapos silang palayasin sa kanilang mga puwesto upang gawing pay parking slot ng mga motorsiklo ang mga lugar sa Sta. Cruz, Mabini St., Blumentritt at Quiapo, partikular sa buong Plaza Miranda.

Itinuturing na ‘henyo’ ang promotor ng hakbang na ito na mas malaking di-hamak nga naman ang kikitain sa motorcycle parking sa loob ng ilang oras kaysa mga vendor na nakapuwesto nang buong araw at magbabayad lang ng halagang P10-20 sa Hawkers.

Sa parking nga naman ay payat na ang P50 kada isang motorsiklo ang kikitain sa loob lang ng tatlong oras. Bukod dito, mas malaki ang espasyong pakikinabangan dahil sa masinsin, siksik, at liglig na pagkakamada ng mga motorsiklo.

Ang ‘henyo’ ayon sa mga vendor ay isang nagngangalang ‘Amo Rin,’ nagpapakilalang ‘economic adviser’ ni Mayora Honey Lacuna.

Si ‘Amo Rin,’ anila, ay hepe ng isang unit na tandem ng MTPB na hanggang sa ngayon ay hawak pa rin ng mag-asawang bossing na panay ang biyahe.

One-two punch daw ang teamwork ng dalawang departamento na ang yunit ni ‘Amo Rin’ ang tagapagpalayas at tagabugaw ng mga vendor samantala ang MTPB ay nakaabang sa mababakanteng puwesto na nakahulma na para sa motorcycle parking.

Bukod sa dalawang boss at amo, meron din daw inatasang mga tserman si Mayora na malalapit sa city hall na ang trabaho’y di natin alam kung mga bantay o ‘abangers’ sa grasyang papasok sa parking. Ang mga tinukoy, ayon sa mga vendor, ay may sariling kubol sa Hidalgo at hawak din ang nasasakupan ng Plaza Miranda — ang dami niyan mga Che.

Ang mga tserman daw ay hindi lehitimong chairman sa nasabing lugar at lumalabas lang na appointee ng city hall.

Sa rami ng lugar na may ganitong parking, hindi malayong tawagin ang lungsod ng Maynila na motorcycle pay parking capital of the Philippines, bakit ‘ika mo?

Kung inyong mapapansin, halos lahat na yata ng pangunahing kalsadang malakas ang komersiyo ay mayroong pay parking slot para sa mga motorsiklo.

Bukod dito, lahat ng lugar na may palengke at mall ay mayroong malaking espasyo ng pay-parking slot na kopong-kopo lahat ng MTPB, e magkano kaya ang ipinapasok nitong pera sa kaban ng lungsod?

Huwag na tayong lumayo pa, bukod sa harapan ng Manila City Hall na nasa Taft Avenue, sipatin ninyo ang likod at gilid nito dahil wala kayong ibang makikita kundi sandamakmak na motorsikloong nakahilera at obligadong magbayad ito ng parking fee, dulo sa dulo po iyan.

Hindi pa natin natatanong ang Mayora kung ano ang kanyang damdamin sa mga vendor na nawalan ng puwesto kaya ngayon ay hirap na hirap kumite ng kanilang iakabubuhay.

Saan kaya sila kukuha ng kanilang kakainin sa araw-araw sampu ng kanilang pamilya na wala rin namang inaasahan kundi ang kakarampot na tutubuin sa kanilang kalakal.

Sa puntong ito ay labis na sumasama ang loob ng mga vendor sa lider na kanilang iniluklok sa liderato dahil siya’y isang babae na may pusong ina na handang umunawa lalo sa kanilang maliliit.

Ang akala umano nila ay malambot ang puso ni mayora sa mga kapos-palad na gaya nila.

Mantakin naman ninyo, labis silang pinahirapan sa panahon ng pandemya sa loob ng dalawang taon at ngayon lang medyo nakababawi kahit pero bigla na namang mapipigilan sa pag-ahon.

Ang pinakamabigat na problemeng kanilang kakaharapin kung kailan sasapit ang Pasko ay saka pa sila pinalayas. Malamang daw na maging paksiw ang kanilang abutin sa Paskong darating. Tsk tsk tsk…

         Anila, kung ang mga dating alkalde ay pina-mimigay na at ipinapaagaw sa mga vendor ang buwan ng Nobyembre, Disyembre, hanggang Bagong Taon para ‘everybody happy’ kay Mayora umano ay iilan lang ang happy.

Hayaan ninyo mga kababayan, malayo pa naman ang araw ng Pasko. Malaki pa ang pag-asa natin na maantig ang puso ng butihing Mayora Honey, baka kasi natatabingan ang kanyang mga mata ng mga nakapalig paligid sa kanya.

Wait and watch na lang muna tayo…

About Bong Ramos

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …