ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MAY pakiusap si Sean de Guzman, bilang reaction sa ilang mga negative comment sa kanilang pelikulang My Father, Myself na official entry sa gaganaping Metro Manila Film Festival 2022 (MMFF) na magsisimula sa December 25.
Si Sean ang isa sa bida sa pelikulang ito na tinatampukan din nina Jake Cuenca, Dimples Romana, at Tiffany Grey. Ito ay mula sa pamamahala ni Direk Joel Lamangan.
Sambit ni Sean, “Para sa akin masakit siya minsan, iyong iba… kasi, mababasa mo na sinasabi ng iba na, ‘Akala ko ba ang MMFF ay pang family, pang masaya lang? Pero bakit may ganitong entry,’ hindi ba?
“So, hindi pa man nila napapanood ay jina-judge na nila. Pero good thing is napag-uusapan tayo, kumbaga ay may laman, may content.”
Pagpapatuloy niya, “Pero I’m happy na may mga taong sinusuportahan pa rin kami and proud ako sa film namin. Dahil unang-una ay kay Direk Joel Lamangan ito and of course, ang gagaling ng mga kasama kong artista rito, specially sina Kuya Jake, Ate Dimples, at Tiffany.
“And sana lang po, huwag po nilang i-judge ang pelikula namin, hanggang hindi pa po nila napapanood, salamat po,” sambit ng guwapitong aktor.
Thankful din si Sean sa award-winning direktor nila sa nagawa nito para sa kanyang showbiz career.
Aniya, “Sobrang thankful po ako kay Direk, kasi siya ang nag-launch sa akin at siya rin ang unang direktor na nagbigay sa akin ng award, international awards po, dalawa.
“Si Direk kasi, parang kapag tina-challenge ka niya, well, nandoon iyong hirap, pero nandoon din iyong parang satisfaction mo as an actor. Na parang, shit, kailangan ko itong gawin, para iyong pressure na nararamdaman ko galing kay Direk, parang ‘yung expectations niya ay kailangan kong ma-meet,” sambit ni Sean.
Nakadalawang international Best Actor award na si Sean para sa pelikulang Fall Guy ni Direk Joel. Ito ay sa CHITHIRAM International Film Festival sa India at sa Anatolian Film Awards sa Turkey.
Ang My Father, Myself ay mula sa panulat ni Quinn Carrillo at under ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo at Mentorque Productions ni Bryan Dy. Kabilang din sa producers ng pelikula sina Win Salgado, Jumerlito P. Corpuz, at Nicanor C. Abad.