SA BOTONG 271, inaprobahan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 227 o ang Caregivers Welfare Act na akda ni Bataan 1st District Representative Geraldine B. Roman.
Ikinagalak ni Roman ang agarang pag-aproba sa panukalang para sa proteksiyon at kapakanan ng caregivers sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Kinikilala rin niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng caregivers sa pag-unlad ng bansa.
“I thank my fellow legislators for the swift passage of this measure and ensuring the strong accountability and implementation efforts to turn the strategy into action,” ayon kay Roman, chairperson ng House Committee on Women and Gender equality.
Layunin ng panukala na “magtatag ng mga polisiya sa pagsasanay sa kanilang propesyon bilang mga caregivers at mapaunlad ang kanilang kakayahan at mapahusay sa pandaigdigang kompetisyon.”
Ang pagdami ng populasyon ng bansa at ng mga isinisilang na mayroong kapansanan at sakit ay mga dahilan sa patuloy na pangangailangan ng serbisyo ng ating mga caregiver, dagdag ni Roman.
“Policies must be enacted to protect the welfare and well-being of caregivers, as well as to maintain excellent and globally competitive standards for the caregiver professional service,” sabi ni Roman.
Binanggit ng mambabatas mula sa Bataan ang mga bansa tulad ng United States, Canada, Middle East at Europe at kahit na Asian countries gaya ng Japan at Korea na mas gusto ang mga Filipino caregivers dahil sa kanilang dedikasyong alagaan ang kanilang kliyente.
Pantay na pagkakataon ang isinusulong ni Roman para sa lahat ng Filipino.
Para sa kanya, ang pagkapantay-pantay ay ang pagtrato nang parehas sa mga indibidwal na walang hadlang, maling pananaw, kagustuhan, maliban na lamang kung ang pagkakaiba ay malinaw na makatwiran.
Matatag na naninindigan at bukas ang mambabatas sa pagsulong ng pagkakataon para sa lahat ng Filipino na walang kinikilingan sa kayamanan, katayuan o pagiging miyembro ng isang maimpluwensiyang grupo. (GERRY BALDO)