MA at PA
ni Rommel Placente
IBINISTO ni Snooky Serna na nanligaw noon si Gabby Concepcion kay Maricel Soriano.
Nag-guest si Maricel sa vlog ni Snooky na nagkuwentong ginagawa nila ang pelikulang Underage (1980), na pinagbidahan nila ni Maricel, kasama si Dina Bonnevie, nang ligawan ni Gabby si Maricel.
That time, ay crush ni Snooky si Gabby pero hindi siya napansin ng aktor bagkus ay si Maria. Kaya pinayuhan siya ng kanyang ina noon, ang dating aktres na si Mila Ocampo, na uminom ng uminom ng gatas para mapansin ni Gabby. Para siguro pumuti gaya ni Maricel. Pero wala ring nangyari, dahil si Maricel nga ang niligawan ng dating mister ni Sharon Cuneta.
Pagkarinig ni Maricel ng pambibisto ni Snooky, sabi niya, hindi niya na naalala ‘yun. Ayaw niya kasi ng mapuputi. Pero si Snooky, sabi niya, “I remember, kasi medyo makirot sa dibdib.”
Na ang ibig niyang sabihin, hindi nga kasi siya ang niligawan ni Gabby kundi si Maricel.
Wala namang napabalita noon na nagkaroon ng relasyon sina Maricel at Gabby. Ang mga naging boyfriend ni Maricel ay sina William Martinez at Ronnie Rickets. Naging asawa naman niya si Edu Manzano at nakarelasyon din niya si Cesar Jalosjos na ama ng anak niyang si Tien-Tien.
So, binasted siguro ni Maricel si Gabby, ‘di ba? Sabi nga kasi niya ay ayaw niya ng mapuputi. Eh,si Gabby ay maputi. Pero si Edu rin naman ay maputi. Pero nagustuhan siya ni Maricel. Siguro ay wala lang spark sa kanya si Gabby.