“BILANG tagapagtaguyod ng mga bata at ama ng lalawigang ito, batid ko ang aking tungkulin na pangalagaan ang malinaw na kinabukasan ng Bulacan sa pamamagitan ng pagseseguro sa proteksiyon, kalinga, kaunlaran at kalayaan ng ating mga anak. At habang ipinagdiriwang natin ang makabuluhang buwan para sa ating mga kabataan, naalala ko ang nasabi ni dating Pangulong Barack Obama: The future belongs to young people with and education and the imagination to create.”
Ito ang naging mensahe ni Gob. Daniel Fernando ng Bulacan sa 350 estudyante ng daycare, mga magulang, Child Development Workers at Local Council for the Protection of Children (LCPC) Child Representatives sa ginanap na Provincial Children’s Congress 2022 sa Bulacan Capitol Gymnasium, sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan.
Sa mithiing pangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng higit sa 1.2 milyong kabataang Bulakenyo, itinampok ni Fernando, Tagapangulo ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC), sa kanyang Local State of the Children’s Address (SOCA) ang pinakamahalagang karapatan ng mga bata kabilang ang kaligtasan, pag-unlad, proteksiyon at partisipasyon sa pamamagitan ng epektibong programang pangkalusugan at edukasyon gayondin ang proteksiyon mula sa pang-aabuso at panganib.
Idinetalye ng gobernador ang matagumpay at epektibong programang ipinatupad ng pamahalaan sa nutrisyon, immunization coverage ng mga bata sa Bulacan, early childhood care development, at pagbuo ng kapasidad ng mga child development workers, at iba pa.
May temang, “Kalusugan, Kaisipan at Kapakanan ng Bawat Bata Ating Tutukan,” dalawang kompetisyon ang ginanap sa Children’s Congress kung saan nanalo ng unang puwesto si Syren Caullie Carpio, mula sa Pitpitan Day Care Center sa Bulakan para sa poem reciting contest; pumangalawa si Angel Lyn Yuson, mula sa Balagtas Heights Day Care Center sa Balagtas; at Eliesha Yuen Alvez, mula sa Paliwas Child Development Center sa Obando na nag-uwi ng ikatlong puwesto.
Para sa copy and color competition, wagi si Einory Jane Pelayo ng Buga Child Development Center sa San Miguel ng unang pwesto; Lia Yzabelle Uliten Carolino mula sa Talbak Day Care Center sa Doña Remedios Trinidad sa ikalawang pwesto; at Cassey Gaile Basco ng Paltok Day Care Center sa Angat para sa ikatlong puwesto.
Tumanggap ang lahat ng mga nanalo ng tropeo, grocery packs mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at nag-uwi ang bawat isa ng P10,000 para sa mga una at pangalawang puwesto at P8,000 para sa ikatlong puwestong nagwagi.
Gayondin, tumanggap ang mga hindi nagwagi ng consolation prize na P3,000, pack of groceries mula sa NGCP, at sertipiko ng partisipasyon bawat isa.
Kakatawanin ng mga nanalo ang probinsiya sa Regional Children Congress na gaganapin sa 25 Nobyembre sa lungsod ng San Jose Del Monte. Namahagi rin ng mga module bag sa mga day care na mag-aaral sa lalawigan ang Provincial Social Welfare and Development Office na nanguna sa taunang kongreso. (MICKA BAUTISTA)