NAKATANGGAP ang may kabuuang 12,068 pamilyang Bulakenyo na naapektohan ng bagyong Karding at Paeng ng relief goods mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare & Development Office (PSWDO).
Inatasan ni Bulacan Governor Daniel Fernando si PSWDO head Rowena Tiongson na magsagawa ng relief operations na nagsimula noong 18 Nobyembre sa bayan ng Calumpit na may kabuuang 7,358 pamilya ang nakatanggap ng food packs kabilang ang mga barangay ng Panducot, Sta. Lucia, Bulusan, Gatbuca, at Iba O’ Este.
Samantala, nakatanggap rin ang may 4,710 apektadong pamilya ng food packs noong Sabado, 19 Nobyembre mula sa mga barangay ng Tibaguin, Sto. Niño, San Juan, at Palapat mula sa bayan ng Hagonoy.
Naglalaman ang mga ipinamahaging food pack ng apat na kilong bigas, iba’t ibang de-lata, at instant noodles.
Ayon kay Gob. Fernando, ang bawat isa ay dapat na patuloy na manalangin at mag-ingat lalo sa oras ng mga kalamidad.
“Ipagpatuloy po natin ang pagdarasal sapagkat hindi pa natin alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na panahon,” anang gobernador. (MICKA BAUTISTA)