ARESTADO ang isang lalaking menor de edad at anim pang personalidad, sa ikinasang drug entrapment operation sa Brgy. Gaya-Gaya, lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 20 Nobyembre.
Sa ulat mula sa PDEA Bulacan Provincial Office, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Angelito Alfaro, 23 anyos; Roger Lopez, 22 anyos; Henry Jumadiao, alyas Potpot, 20 anyos; Raven Aboliso alyas Rain, 18 anyos, pawang mga residente sa naturang barangay; Jimboy Salidaga, 25 anyos, ng Brgy. San Roque, Navotas; Jandy Fernandez, alyas Trixy, 31 anyos, ng Brgy. Bagong Silang, Caloocan; at isang hindi pinangalanang 17-anyos lalaki.
Nakompiska mula sa mga suspek ang apat na selyadong pakete ng plastik ng hinihinalang shabu na may timbang na 15 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; isang selyadong pakete ng plastik ng hinihinalang marijuana na may timbang na limang gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P750; sari-saring drug paraphernalia; at marked money.
Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na mga operatiba ng PDEA Bulacan Provincial Office, PDEA-RSET at PDEA-RO-NCR.
Nakatakdang sampahan ang anim na suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang inendoso ang menor de edad sa lokal na tanggapan ng Social Welfare Development para sa assessment at evaluation. (MICKA BAUTISTA)