Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
LABASAN ng baho ngayon ang lumilitaw sa bibig ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag laban kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla. Habang ang DOJ naman ay kasalukuyang iniimbestigahan ang lahat ng katiwalian na nagaganap sa Bucor lalo sa panahong nakapuwesto pa si Bantag bago sinuspendi ng anim na buwan. Kabitenyo si Remulla, tunay na matapang, ubra kaya ang tapang ni Bantag?
Bata ni dating PRRD si Bantag, samantala si Remulla ay batang BBM. Tila nakikita na ang bahid politika sa awayang Remulla vs Bantag!
*****
Natatakpan na ang kaso ng pinaslang na broadcast journalist na si Percy Lapid dahil ang sentro ng mga balita ay ang batuhan ng mga akusasyon nina Remulla at Bantag!
Ayon sa nakalap nating impormasyon, hindi susuko si Bantag sakaling arestohin kung mapatunayan na sangkot sa pagkamatay ng middleman na itinuro ng pangunahing suspek na pumatay kay Percy Lapid.
Si Bantag ay naging Jail Warden ng Parañaque City Jail noong si Cong. Edwin Olivarez pa ang alkalde ng nasabing lungsod. Administrasyon din ni Edwin Olivarez nang may sumabog na granada sa opisina nito habang nasa loob ang sampung Intsik na sangkot sa ilegal na droga na bagong turn-over ng PDEA.
Sugatan din si Bantag noon sanhi ng tama ng sharpnel ng granada at namatay naman ang mga Intsik.
Pero nakapagtataka na walang sugatang jail guard dahil ‘drama’ umano ang lahat at planadong kailangan masunod.
Ganoon din kasi si Bantag, hindi grabe kasi pumunta ito sa kanyang silid. Nakapagtataka na iniwan sa loob ng silid ang 10 Intsik na walang bantay na jail guard.
Ang naghatid sa sampung Intsik na pumasok sa loob ng opis ni Bantag ay si Ricardo Zulueta.
Si Zulueta ay bagman ni Bantag, kaya pagkatapos ng krimen sa Parañaque City Jail, masuwerte pa lalo itong si Bantag, itinalaga pa ni PRRD sa Manila City Jail kasama ang bagman na si Zulueta.
Super lakas talaga ni Bantag kay PRRD, ginawa pa siyang maging Bucor chief! Dapat siguro i-lifestyle check itong si Bantag, kung gaano na siya kayaman!
Sa Manila City Jail, marami na siyang naging pera!
Abangan natin ang banggaan nina Remulla at Bantag habang nagsisimula nang matulog ang kaso ni Percy Lapid!