ARESTADO ang isang lalaki matapos maaktohang gumagawa ng malalakas na uri ng paputok na walang kaukulang permiso sa operasyong isinagawa ng pulisya sa Sitio Bihunan, Brgy. Biñang 1st, sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes, 18 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang suspek na si Renato Siongco, Jr., alyas Reden, 45 anyos, residente sa naturang barangay.
Narekober mula sa suspek na gagamiting ebidensiya, ang mga paputok na pla-pla; kabasi; kwiton; dugong; sawa; kwitis; coned whistle; mini kwiton; isang plastik na dram na puno ng paraphernalia; at isang sako ng sari-saring mga hindi pa tapos na paputok na tinatayang may kabuuang halagang P50,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices) na inihahanda na para isampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)