BINAWIAN ng buhay ang pito katao dahil sa leptospirosis sa lungsod ng Bacolod, ayon sa city health office (CHO), na nagpaalala sa mga residente ng ilang hakbang upang maiwasan ang sakit na nakukuha sa baha.
Base sa tala ng CHO, umabot sa 35 ang kompirmadong kaso ng leptospirosis sa lungsod na karamihan ay mula sa Brgy. Singccang at nasa edad 21 hanggang 30 anyos.
Bunsod nito, nagpaalala sa publiko si Dr. Grace Tan, CHO sanitation division head, na hanggang maaari ay huwag sumuong sa baha ngunit kung hindi maiiwasan ay tiyaking may suot na bota at gloves.
Kapag nalantad sa maruming tubig, agad uminom ng prophylaxis sa loob ng 24 hanggang 48 oras at magpakonsulta sa doktor kung makaramdam ng lagnat at pananakit ng kalamnan, lalo sa hita.
Nakukuha ang sakit na leptospirosis sa tubig na kontaminado ng ihi ng hayop na may leptospira bacteria.
Madalas nagmumula ang impeksiyon sa baha, lalo na kapag may sugat na puwedeng pasukin ng bacteria.