Friday , November 15 2024

Ang dreamer, ang optimist, at ang pessimist

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

GOOD luck kay Bureau of Corrections (BuCor) Officer-in-Charge Gregorio Catapang, Jr., sa panghihikayat niya sa mga disenteng civil service – eligible na maglingkod sa kawanihan bilang kasama niya sa pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma sa penal system.

Ang panawagang magserbisyo sa isang depektibong sistema na napatunayang delikado sa kalusugan, kung hindi man maituturing na death sentence, kahit na para sa jail officers na nakibahagi na rin sa talamak na krimen ng korupsiyon sa New Bilibid Prison (NBP), ay galawang matapang at desperado.

Kinailangan ni Catapang na sibakin sa puwesto at disarmahan ang mga tauhan ng suspendidong si BuCor Director General Gerald Bantag at palitan ng sarili niyang mga tauhan upang masigurong hindi na niya kailangang mapraning sa paligid habang papasok sa kanyang opisina.

Sa katunayan, sinabi ng dating pinakamataas na opisyal ng militar na kailangan niya ng “anti-corruption vaccine” na dalawang beses ituturok at susundan ng follow-up boosters para lang masigurong ang mga taong nakapaligid sa kanya ay tunay na makatutuwang niya sa pagpapatupad ng reporma. Kung hindi siya nagbibiro sa sinabi niyang ito, isa palang dreamer itong si Catapang sa paghimok sa mga aplikanteng makikiisa sa kanyang adhikain para sa BuCor!

*              *              *

Si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ay isang optimist.

Nang ang kanyang anak na lalaki ay maaresto sa drug bust, makulong, at humarap sa korte, positibo si Remulla na siya, bilang pinuno ng Department of Justice (DOJ), ay wala raw kailangang gawin para isalba ang kanyang anak. 

Nang hilingin ng publiko ang kanyang pagre-resign, naroong muli ang optimism ni Remulla, deretsahang sinabi na hindi siya aalis sa puwesto, at sinuportahan naman siya ng Pangulo.

At nang bumiyahe siya noong nakaraang linggo papuntang Geneva para pangunahan ang delegasyon ng Filipinas na mangangatwiran para sa human rights record sa bansa sa ika-apat na cycle review ng mga rapporteurs ng United Nations mula sa Marshall Islands, Namibia, at Poland, aba, mantakin n’yo… bitbit ni Remulla sa kanyang folder ang siyam na bagong kaso ng “alleged abuse of power,” – pinili niyang termino kaysa extrajudicial killings – ng mga alagad ng batas na sangkot sa gera kontra droga noong administrasyong Duterte.

Napanatili niya ang pagiging kalmado, sasabihin daw niya sa UN Human Rights Council: “Ang pag-abuso sa kapangyarihan ay hindi polisiya ng estado. Sasabihin natin ‘yan sa kanila.” Ayan ang inyong optimist.

*              *              *

Kabaliktaran ni Remulla, mayroon din tayong pessimist sa Kongreso, tulad ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, na mariin ang pagtutol sa panukalang bigyan ng daan-daang milyong pisong cash na halaga ng confidential at intelligence funds (CIFs) ang mga sibilyang ahensiya ng gobyerno.

Sa ilalim ng budget schedule na iprinisinta sa Senado, ang mga CIFs ay binubuo ng P9.3 bilyon na kukunin sa panukalang national budget para sa 2023. Panibagong napabilang sa listahan ng mga humihiling ng CIFs ang Office of the Vice President, P500 milyon; ang Department of Education, P150 milyon; at ang Office of the Solicitor General, P19.2 milyon.

Para kay Pimentel, simple lang ang mga tanong: “Para saan?” “Matapos na ilang dekadang wala, bakit biglang kailangan ngayon?” Igigiit niyang amyendahan at itigil na sa pangkalahatan ang paglalaan ng CIFs at ipaubaya ang pondong iyon eksklusibo sa security agencies.

Sang-ayon ang Firing Line sa opinyon ng senador na hindi kinakailangan ang intelligence funding at wala rin itong magiging silbi sa mga ahensiyang sibilyan. Sa kasong ito, panindigan na lang natin ang pagiging pessimistic, sir!

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …