LIMANG hinihinalang drug personalities ang naaresto, kabilang ang isang menor de edad na lalaki, nasagip sa magkakawilay na buy-bust operation sa Malabon City.
Ayon kay Malabon City police chief, Col. Amante Daro, dakong 2:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa Hiwas St., Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ronaldo Velasco, alyas Dimple, 42 anyos, pusher/listed; Jayson Pisimo alyas Long Hair, 33 anyos, obrero, at ang menor de edad na lalaki.
Nakompiska sa mga suspek ang limang transparent plastic sachets na naglalaman ng isang gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P6,800 at P300 marked money.
Nauna rito, dakong 12:45 am nang matiklo ng kabilang team ng SDEU sa buy-bust operation sa Dr. Lazcano St., Brgy. Tugatog si Reynaldo Lozano, alyas Jon-jon, 50 anyos, construction worker; at Jose Basco, alyas Jojo, 39 anyos.
Nakuha sa mga suspek ang isang gramo ng hinihinalang shabu, nasa P6,800 ang halaga, at P300 buy-bust money.
Dakong 1:30 am nang malambat ng isa pang team ng SDEU sa buy-bust operation sa Pampano St., cor C-4 Brgy. Longos si Mclean Tibar, alyas Macmac, 27 anyos, pusher/listed, nasamsaman ng isang gramo ng hinihinalang shabu nasa P6,800 ang halaga at P500 buy-bust money.
Ani P/SSgt. Kenneth Geronimo, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)