AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA TUWING may kalamidad tulad ng bagyo, lindol, at iba pa, may nakasasawa at nakaiiritang pakinggan sa nakararaming mambabatas, alkalde, gobernadora, o sa mga kinaukulan.
Nakasasawa at nakaiiritang pakinggan ang pagmamalasakit umano nila sa mga biktima ng kalamidad – kailangan na raw makapagpatayo ng permanenteng evacuation center — gusali para sa evacuees.
Permanenteng evacuation center na malinis, malawak, may sariling palikuran, may mga kuwarto, may mga kama.
Napakasarap pakinggan ano? Plano… plano… plano…pero ang lahat ay grandstanding lang para masabing may paki sila sa mga kababayan nating nasalanta.
Taon na rin ang binilang sa pangako o sa planong ito at marami na ang mga nagdaang kalamidad – mga paulit-ulit na trahedya pero, ganoon pa rin ang situwasyon. Nagmumukhang itinatambak na basura ang mga kawawang kababayan natin sa mga ginagawang pangsamantalang evacuation center.
Siksikan, sa sahig o sa semento natutulog sa pamamagitan ng dala-dalang banig o karton na pansapin ang mga biktima…at siyempre, ganoon pa rin ang lahat, maruming palikuran dahil kapos sa tubig sa mga gripo o wala talagang tumutulong tubig kaya ang resulta ay napakabaho ng mga palikuran o kubeta.
Dahil sa maruming palikuran o maruming evacuation center ay maraming nagkakasakit na evacuees. Pero in fairness naman, may mga lungsod at bayan na ginagawang evacuation area ang kanilang covered court o mga eskuwelahan at alagang-alaga ang kanilang mga konstituwent.
Ilan na ang dumaan na presidente ng bansa, at maraming mambabatas na ang natapos sa kanilang termino at ang iba pa’y namaalam na rin pero nasaan ang mga ipinangakong evacuation centers o gusali para dito, hayun hanggang ngayon ay wala pa rin.
Sa halip, ang plano ay nagagamit o ginagamit lamang ng mga politiko para sa pagpapapogi… masasabi lang na kanilang inaalala ang mga biktima ng sakuna.
Nitong nakaraang linggo, sinalanta ni Paeng ang malaking bahagi ng bansa, maraming bayan ang nalubog sa baha, at may mga landslide. Siyempre, ang kawawa rito ay mga kababayan natin na dumanas sa kalupitan ni Paeng. May mga nawalan ng mahal sa buhay, at damay na rin ang kanilang ikinabubuhay.
Sa pananalasa ni Paeng, maraming kababayan natin ang inilikas sa mga eskuwelahan, bodega, covered court at iba pa, na ginawang evacuation center. Ibig sabihin, wala pa rin ang mga ipinangakong bagong gusali para gawing evacuation area.
Pinagsisiksik na naman ang mga kawawang kababayan natin sa mga eskuwelahan, covered court, at nagtitiis na naman sa mababahong palikuran… at ang masaklap pa nga ay may COVID 19 pa rin.
Ngayon, nandiyan na naman ang mga lider kuno ng bansa… concerned kuno sa mga kababayan nating nasalanta sa nagdaang bagyo. Kaliwa’t kanan na pagpapapogi na naman sila. Para bang, natutuwa sila sa iniwan ni Paeng sa bansa.
Binuhay na naman nila ang isyu. Kinakailangan na daw magtayo ng mga gusali para gawing evacuation center…bawat bayan daw kailangan ay mayroong mga sariling hiwalay na gusali para sa evacuation center.
Walang masama sa pagbuhay sa plano pero, hanggang saan na naman aabot ang pagbuhay sa plano? Pero sa totoo lang, sana ay seryosohin ng kasalukuyang administrasyon ang plano. Kung hindi nagawang tuparin ng mga nagdaang administrasyon, sana ngayong Marcos administration ay matuloy na upang hindi na gamitin ang mga eskuwelahan na sira-sira na ang mga silid aralan kapag iniwan ng mga evacuees.
Maraming plano ang Marcos administration, tulad ng mga pagtatayo ng malalaking hospital, tulad ng heart center, lung/kidney center sa mga region – inaasahan na mangyayari ang lahat. Ngunit, sana ay ikonsidera rin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa priority list niya ang pagpapatayo ng mga evacuation center dahil ang bansa natin ay talagang taunang sinasalanta ng bagyo at iba pa.
Kailangan na rin talaga ng hiwalay na evacuation center para ligtas sa anomang sakit ang mga kababayan nating inililikas.
Panahon na talaga Pangulong BBM… executive order lang naman siguro kailangan para rito at hindi na kailangan pang gawan ng batas sa Kongreso.