HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG natatandaan ninyo ang mga kuwento, halos dapa na noon ang GMA 7, may mga balita pa ngang nagkakaroon na sila ng delay sa pagbabayad sa mga supplier ng ipinatatayo nilang building, nang pumasok si Richard Gutierrez sa Mulawin, sumibat nang napakataas ang ratings niyon, natural papasok na lahat ang commercials, at nakabangon ang network. Halos isang dekada silang kumikita dahil sa sunod-sunod na serye ni Richard sa kanilang primetime.
Ang sitwasyon ng ABS-CBN sa ngayon ay mas matindi. Nawalan sila ng prangkisa, at dalawang taon nang off the air. Mabuti nakakapag-blocktime pa sila sa TV5 at sa Zoe TV, na kahit na mahina ang power, nasisilip pa rin ang kanilang shows at hindi sa social media na lang napapanood.
Ang tanong, maibangon nga kaya ni Richard ang ABS-CBN ngayon kagaya ng nangyari sa GMA noon?
Hindi ninyo masasabing hindi mangyayari iyan. Palagay namin naroroon pa rin ang malakas na batak ni Richard. Kaya lang noon, bugbog ang trailer ng Mulawin sa telebisyon. Bugbog din ang kanyang publisidad on print. Sinuportahan siya ng lehitimong media. Eh ngayon sa internet lang namin nakikita iyon.
Ang isa pang factor, siguro nga noon ay mahina ang GMA 7, pero hindi natin maikakaila na 150kw power pa rin sila at napakaraming provincial stations. Ngayon bukod sa dalawang channel na naka-blocktime and ABS-CBN, sa cable lang mapapanood ang serye ni Richard eh ilan pa nga ba ang naka-cable ngayon dahil sa sama ng cable service rito sa atin?
Pero inaasahan natin, kahit na paano mas tatayo ang ABS-CBN sa show ni Richard kaysa naman sa ibang ginagawa nilang hindi maka-angat. At isa pa, alalahanin ninyo, may nananalo sa lotto. Kung sa lotto may panalo pa, kaya ni Richard iyan.