HATAWAN
ni Ed de Leon
PINAG-UUSAPAN ang mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival 2022. Sinasabi nilang bukod kina Vice Ganda at Coco Martin, mukhang walang masasabing box office stars sa mga pelikula, pero siguro nga ang mga iyon ang napili ng screening committee dahil mas mukhang kikita ang mga iyon kaysa iba pang isinumite sa kanila.
Ewan kung bakit, pero wala pa talagang gumagawa ng malalaking pelikula lately. Bago magsimula iyang festival, may mga malalaking pelikulang Ingles na ipalalabas sa mga sinehan, malamang sa hindi ang mga pelikulang iyan ang makakukuha rin ng Christmas playdate sa mga probinsiya, hindi gaya noong araw na ang mga pelikula sa MMFF ay simultaneous sa mga sinehan sa probinsiya kaya malaki ang kita.
Naunang nangyari iyan noong ang ipalabas sa MMFF ay puro mga pelikulang indie, hindi naging simultaneous sa probinsiya, at
ang iba nga hindi na rin naipalabas sa mga key city dahil hindi naman kumita maski noong panahon ng festival. Tapos dalawang taon na ang mga kasali sa festival ay sa internet lang napapanood dahil sa pandemya.
Ngayon, may mga pelikulang kasali na matagal nang tapos, pero hindi nailabas dahil walang makuhang sinehan. Iyang festival ang magbibigay sa kanila ng pagkakataong maipalabas sa mga sinehan, pero ano kaya ang resulta?
Tinataya ng mga marketing expert sa pelikula na siguro raw may isa o dalawang pelikula naman na kikita, pero hindi pa rin nila inaasahan ang dating gross dahil sa umiiral na inflation na tatagal daw hanggang kalahatian ng susunod na taon kung suwerte tayo. Baka nga mas humaba pa. Eh sino ba ang magbabayad ng halos P400 para manood ng sine, habang mahigit na P100 ang presyo ng asukal, mahigit P50 ang kilo ng bigas, at maski kangkong yata ay mahal na rin.