NAGLUNSAD ng Oplan Galugad ang mga tauhan ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre P. Dizon sa pangunguna ni Sta. Cruz Station (MPS-PS3) commander P/Lt. Col. Ramon Solas sa Manila North Cemetery.
Dakong 3:30 am ikinasa ang Oplan Galugad bilang paghahanda sa ilalatag na seguridad sa darating na Undas, pakay ng operasyon na masakote ang indibidwal na posibleng may warrant of arrest, sangkot sa droga, at iba pang may paglabag sa batas na naninirahan sa loob ng sementeryo.
Ayon kay Solas, ito ay upang makasiguro ang MPD na walang krimimal o wanted person/s na naninirahan o nagtatago sa loob ng naturang sementeryo upang matiyak ang seguridad ng mga kababayan nating inaasahang daragsa sa lugar ngayong Undas 2022.
Sa naturang operasyon ay umabot sa 36 katao ang dinampot at sumailalim sa on-the-spot verification, at isa sa kanila ang positibo sa e-Warrant habang tatlong katao ang nahulihan ng droga at drug paraphernalia.
Inaasahang magsisimula ang paghihigpit sa entrance gate ng MNC ngayong papalapitn ang Undas para masiguro na walang makapagpapasok ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng kutsilyo, baril, sound system, at alak upang mapanatili ang katiwasayan, ang prayoridad ng SAFE NCRPO program ni NCRPO RD P/BGen. Jonnel Estomo partikular ngayong tradisyonal na paggunita sa mga namayapang mahal sa buhay sa ilalim ng proyektong Ligtas Undas 2022 ng PNP. (BRIAN BILASANO)