SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAPAKA-VOCAL ni Atty. Ferdinand Topacio ng Borracho Film Productions sa pagsasabing hindi siya komporme sa “first day, last day” sa mga sinehan tuwing Metro Manila Film Festival. Ang tinutukoy ni Topacio ay ang nangyayaring pagtanggal sa mga pelikula ‘pag hindi kumikita o pinapasok.
Sa mediacon Mamasapano Now It Can Told, isa sa official entries sa MMFF 2022 natanong ang lawyer/film producer kung may solusyon ba siya para maiwasan ang ‘first day, last day’ ng kanyang pelikula.
“‘Yan ang depekto sa MMFF, ano?” matapang niyang sabi. “‘Pag nag-festival ka, patapos mo. Kasi hindi mo alam, eh, kung sino ang gustong manood. It’s supposed to be a festival. You’re not supposed to narrow-down the choices.
“Pinili mo lahat ‘yang walong (8) entries na ‘yan. Ibig sabihin, worthy contenders ‘yan, they’re worth to be seen.”
May katwiran naman si Topacio na magsalita ng ganito lalo’t producer siya at hindi naman biro ang ginastos nila para matapos ang isang pelikula. Tulad ng Mamasapano na matagal ding ang ginugol nilang panahon para matapos dagdag pa ang maraming artista at extra.
“Ilang araw lang naman ‘yun, eh. Buuin mo na. Anong klaseng festival ‘yan kung puro gross ang tinitingnan mo?” anang abogado/producer. Nagsisimula ang festival ng Disyembre 25 at nagtatapos ng Enero 7.
Sinabi pa ni Atty Topacio na ilalahad niya ang nasabing usapin sa magaganap na producers’ meeting kasama ang festival committee.
“Actually, kaya sumali ako rito, one of the reasons is para ma-criticize ko sila, eh,” ani Atty. Topacio sabay-tawa.
“Kasi, kung wala ako, eh wala akong karapatang mag-criticize. Eh ngayong nandito ako, bahala kayo sa buhay n’yo. Mag-iingay talaga ako hangga’t hindi n’yo binabago ang sistema n’yo,” giit pa nito.
Binigyang-linaw pa ni Topacio na hindi siya after sa gross ng pelikula.
“Panoorin n’yo kung gusto n’yo, kung ayaw n’yong panoorin, bahala kayo sa buhay n’yo. Kung gusto n’yong panoorin ang kulot na Ivana (Alawi), wala namang problema sa akin,” pagbibirong muli ni Topacio.
Ang tinutukoy nito ay ang MMFF entry ni Ivana Alawi kasama si Vice Ganda.
Pinagbibidahan nina Edu Manzano, Paolo Gumabao, Aljur Abrenica, Allan Paule, Rey Abellana, Gerald Santos, Ritz Azul, at Claudine Barretto ang Mamasapano. Idinirehe ito ni Lester Dimaranan at mapapanood simula Dec. 25.