NASUKOL ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang most wanted person (MWP) sa CALABARZON sa ikinasang manhunt operation nitong Linggo ng hapon, 23 Oktubre, sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, OIC ng Laguna PPO ang suspek na si Richard Lizano, residente sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Calamba CPS, nadakip ang suspek sa ikinasa nilang manhunt operation katuwang ang RSOU4A Lead Unit dakong 2:10 pm kamakalawa sa Dragon Compound, Purok 3, Brgy. 1, sa naturang lungsod.
Inaresto si Lizano sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Homicide na inisyu noong 14 Hulyo 2022 ng Calauag, Quezon RTC Branch 63, rekomendado ng piyansang P180,000.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang akusado habang ipinaalam sa korteng pinagmulan ng warrant of arrest ang pagkakadakip sa kanya.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Akin pong ikinararangal ang mga personnel na ito ng Laguna PNP para sa kanilang hindi matatawarang dedikasyon sa pagganap sa kanilang sinumpaang tungkulin upang tugisin at panagutin ang mga taong nagtatago sa batas.” (BOY PALATINO)