SUNOD-SUNOD na nadakip ang anim kataong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga at 25 sugarol sa pinaigting na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 23 Oktubre.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, inaresto sa bisa ng search warrant ng San Jose del Monte CPS sa Brgy. Minuyan Proper, San Jose del Monte ang suspek na kinilalang si Sonny Tablante, 43 anyos, sa kasong paglabag sa RA 9165.
Nakompiska sa isinagawang paghahalughog ng mga awtoridad ang limang pakete ng hinihinalang shabu, may timbang na halos limang gramo.
Nasakote rin sa serye ng drug sting operations ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga himpilan ng pulisya ng Meycauayan, Angat, at Guiguinto ang mga suspek na kinilalang sina Laurence Tamayo ng Brgy. Iba, Meycauayan; Gian Carlo Flores ng Brgy. Sta. Cruz, Angat; John Mark Reynan ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi; Christopher Guillermo ng Brgy. Malis, Guiguinto; at Rogel Victorioso ng Brgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 11 pakete ng hinihinalang shabu at buy-bust money.
Samantala, sa pinaigting na anti-illegal gambling operations na inilatag sa Sta. Maria at San Jose del Monte, nadakip ng mga tauhan ng Sta. Maria MPS ang apat katao na huling sangkot sa tupada habang naaresto ng mga tauhan ng San Jose del Monte CPS ang tatlong naaktohan sa sugal na tong-its, lima sa cara y cruz, siyam sa billiards-poker; at apat sa mahong.
Nakuha mula sa mga suspek ang mga manok na panabong, tari, mga baraha, tatlong pisong baryang pang-kara, billiards set, mahjong tile set, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Ayon kay P/Col. Arnedo, ang pinatinding kampanya ng Bulacan police laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad ay kaugnay sa kautusan ni PRO3 Regional Director P/BGen. Cesar Pasiwen upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)