AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
TINAPOS na kamakailan ni Senator Francis Tolentino ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa umano’y overpriced at lumang laptop na binili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) para sa Department of Education (DepEd).
Tila ba minadali ni Senator Tolentino, ang chairman ng Blue Ribbon, ang pinakahuling pagdinig. Totoong nagsimula nang maaga ang hearing at natapos ng hapon, pero marami pa rin sa mga resource person ang hindi nakapagpaliwanag nang maayos ng kanilang panig tungkol sa isyu.
Imbes bigyan ng pagkakataon na makapag-eksplika para marinig ng publiko ang kanilang panig, sinabi ni Tolentino na mag-submit na lang daw ng memorandum sa komite.
Pero kahit ganito ang nangyari, malinaw sa isinagawang limang hearing ng komite na sa parte ng DepEd at PS-DBM ang mga nakitang iregularidad bago pa magpa-bidding para sa laptop contract. Labas na ang supplier sa usaping ito dahil nasunod naman nila lahat ang hiningi ng DepEd at PS-DBM noong bidding at natupad din namang lahat ang nakasaad sa in-award sa kanilang kontrata.
Kung inyong matatandaan, kasagsagan noon ng pandemya kaya’t maraming lugar ang naka-lockdown. At kapag naka-lockdown, halos lahat ay work from home at online ang mga klase imbes sa loob ng classroom. Kaya’t napakahirap makakuha ng malaking order ng mga laptop dahil sa rami ng gustong bumili. Pero kahit ganito ang sitwasyon, natupad ng supplier ang lahat ng hiningi ng DepEd na nakasaad sa kontrata.
Bukod sa pagsa-submit ng memorandum, isa pang kakaiba sa hearing ni Tolentino ay ang paggamit niya ng videoconferencing app na Bluejeans na may free trial pero may bayad kalaunan. Bakit kaya pinahirapan pa ang mga resource person gayong andiyan naman ang Zoom na libre o kung hindi niya type ito, meron din namang Google Meet o iba pang libreng app?
Isa pang nakakapagtaka ay kung bakit ang huling hearing ng komite kung kailan pinag-usapan ang parte ng bidding at implementasyon ng DepEd laptop contract ay ini–schedule ni Tolentino sa panahon na adjourned na ang Kongreso. Marami tuloy mga senador ang hindi nakadalo at nakapagtanong.
Kahit sa mga naunang hearing ay pare-pareho lang ang dumalo — kung hindi si Tolentino ay si Senate Minority Leader Koko Pimentel o di kaya naman ay si Sen. Sherwin Gatchalian. Nang bandang huli nga ay si Sen. Robin Padilla na lang ang kasama ni Tolentino sa hearing. Nagpakita lang sandali si Pimentel at nagtanong pero umalis din agad.
Kung hindi pa dumalo si Sen. Jinggoy Estrada nang dalawang beses ay hindi pa mabubuking na tila ba may pinapaboran palang mga iilang supplier ng mga laptop at iba pang gamit ang DepEd. Ito palang nag-supply ng mga laptop na naging paksa ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ay first time nanalo sa bidding.
Ang natalo nila ay ang Advanced Solutions Inc. (ASI), ang isa sa sinasabi ni Sen. Jinggoy na pinapaborang supplier ng DepEd. Ilang beses nang nakakuha ng malalaking kontrata ang ASI sa DepEd.
Eto nga palang ASI ay laging present sa hearing at binibigyan ng pagkakataon ni Tolentino na makapagpaliwanag. Tila ba gustong ipakita ni Tolentino na itong ASI ang dapat nanalo sa bidding. ‘Yung supplier sa iniimbestigahang laptop contract ay halos hindi nakapagpaliwang kung bakit walang dudang sila ang nanalo sa bidding.
Sa halip, ang binusisi ni Tolentino ay ang tungkol sa pagbabayad ng tax ng supplier at kung ano-ano pang tanong na malayo sa isyu.
Binigyan rin ng pagkakataon ni Tolentino na makapagpaliwanag ang Commission on Audit (COA) kung bakit nasabi nitong “pricey” o mahal at “outdated” o luma ang mga laptop na nabili ng DepEd. Pero hindi naman binigyan ng sapat na oras ang supplier na ipaliwanag ang kanilang panig. Mag-submit na lang daw sila ng memorandum.
Kapansin-pansin na walang sinabi ang COA na hindi sumunod ang supplier sa mga nakasaad sa mga requirements ng DepEd at sa mga nakasaad sa laptop contract. Wala rin sinabi ang COA na ilegal o mali ang ginawa ng nanalong supplier.
Kaya kung susumahin, ang mga maaaring pagkakamali na makikita sa imbestigasyon ng komite ay nakatuon sa mga prosesong ginawa ng PS-DBM at DepEd bago pa man mai-bid ang laptop contract. Walang mali o kasalanan ang supplier na sumunod lang sa kung ano ang mga hininging requirements ng DepEd para sa laptops.