NAKUMPISKA ng mga awtoridad ang kahon-kahon ng mga pekeng sigarilyo na ikakalat sana sa lalawigan ng Pampanga at mga karatig-lalawigan sa isinagawang buybust operation ng pulisya.
Ikinasa ang operasyon sa Brgy. San Jose, sa bayan ng San Simon, sa naturang lalawigan ng mga ahente ng CIDG Pampanga PFU bilang lead unit, RSOT RFU3, San Simon MPS, at PIU Pampanga.
Nadakip sa operasyon ang hindi pinangalanang suspek na sangkot sa pagpapakalat at ilegal na pagbebenta ng mga puslit at pekeng sigarilyo mula sa impormasyong binigay ng kinatawan ng Brand Protection Manager ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation (PMFTC).
Nakumpiska sa operasyon ang 150 reams ng Carnival Cigarettes; 200 reams ng Modern Cigarettes; 100 reams ng Ligun Cigarettes; 89 reams ng Journey Cigarettes;135 reams ng Dunston Cigarettes; 217 reams ng Raptor Cigarettes; 92 reams ng D and B Cigarettes; 31 reams ng Time Cigarettes; 91 reams ng Two Moon cigarettes; 30 reams ng Golden Bridge cigarettes; 95 reams ng President Cigarettes; 18 reams ng Farstar cigarettes; 93 reams ng Titanium cigarettes; 50 reams ng Carnival cigarettes; 45 reams ng Royal cigarettes; 47 reams ng Canon cigarettes; at P2,000 genuine bill dusted money at mahigit P100,000 boodle money.
Nabatid sa mga awtoridad na ang mga nakumpiskang pekeng sigarilyo ay aabot sa halagang P300,000 habang nakatakdang sampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa RA 8293 o Intellectual Property of the Philippines at RA 8284 o Internal Revenue Code of the Philippines.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng CIDG PFU Pampanga ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa Office of Provincial Prosecutor ng Pampanga. (MICKA BAUTISTA)