ISANG parcel na naka-consign sa isang Juanito Jose Diaz Remulla III, ang hindi nakalusot sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA -Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) nang isailalim sa controlled delivery mula sa Amerika ang mahigit isang milyong pisong ‘kush marijuana’ na ipinadala sa bansa.
Ang suspek na consignee, si Remulla, 38 anyos, ay residente sa 18 D. Poblete St., Gaha, BF Homes, Parañaque City.
Sa ulat, sinabing si Remulla ang claimant ng isang parcel na natuklasang naglalaman ng 937 gramo ng high grade kush marijuana, may street value na aabot sa P 1,311,800.
Ang naturang droga ay nagmula sa San Diego, California.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, ang parcel na isinailalim sa ‘controlled delivery’ operation ay ipinadala ng isang nagngangalang Benjamin Huffman, naninirahan sa 1524 Horblend St., San Diego, California, USA.
Nabatid na ang kargamento ay naka-consign kay Remulla, may address na Block 6 Lot 7 Primrose St., Ponte Verde, BF Resort Village, Talon Dos, Las Piñas City.
Nadiskubre ang nasabing droga mula sa isang bodega, malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na sumailalim sa x-ray scanning machine at 100% physical examination kaya agad ikinasa ang operasyon laban sa consignee.
Si Remulla ay nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa Las Piñas Prosecutor’s Office bago dalhin sa pangangalaga ng PDEA Headquarters sa Quezon City.
Inaalam kung may kaugnayan ang suspek sa ‘apelyido’ ng maimpluwensiyang politiko mula sa lalawigan ng Cavite. (RR)