SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
AMINADO ang limang bida ng Flower of Evil na hindi madali ang paggawa ng suspense-drama series lalo’t super hit ito at masyadong mataas ang expectation ng mga nakapanood gayundin ng mga first time na manonood nito.
Sa isinagawang media conference noong hapon ng Martes, sinabi nina Piolo, Lovi, at Paulo na napakaraming challenges ang kinaharap nila.
Anila isa sa challenge ay ang gawing relatable sa Filipino audience ang kuwento at atake nito.
Sinabi rin ni Piolo na matindi ang pressure na naramdaman niya habang ginagawa ang serye, lalo’t napakaganda ng Korean version at magagaling ang mga nagsiganap.
“Coming into the show, there was too much pressure because it’s gonna be an adaptation. There’s expectations. There’s gonna be bashing. There’s gonna be judgments from a lot of people.
“But the best thing about this is knowing the story, how it’s gonna start and how it’s gonna end. So we had a reference. We kinda had a manual as to how to do it differently,” sambit ni Piolo.
“It’s more like making it your own. I was so glad for the guidance of our director. They led us to making it our own version,” sambit naman ni Lovi na na-enjoy ang pagiging action star kaya naman umaasang masusundan pa ang ganitong tema na gagawin niya.
Puring-puri naman ni Paulo ang production ng Flower of Evil dahil gumawa talaga ang mga ito ng paraan para hindi magmukhang adaptation ang serye para mas makaintindihan ng viewers.
“One of the hardest parts of making this show is how to make it as Filipino as possible so it wouldn’t feel as an adaptation — a Filipino version of ‘Flower of Evil,’” ani Paulo.
Bagamat nagpahayag kung gaano sila nahirapan sa project na ito, hindi naman nahalata iyon sa mga bida lalo kina Piolo at Paulo na sa totoo lang napantayan o nahigitan pa nga nila sa galing ang mga Koreanong bida rito na sina Lee Joon-gi at Kim Ji-hoon.
Malaki naman ang pasasalamat ni Edu na naisama siya sa ganito kagabdang proyekto.
Samantala, pakatutukan ang Flower of Evil: The Killer Finale dahil isa ang tagpong ito na mangyayari sa burol na isa sa pinakamagandang eksena.
Ito ay ang pagtaya nina Daniel (Piolo) at Iris (Lovi) ng lahat para mabuko ang mga karumal-dumal na krimen ni Jacob (Paulo) at para mabuo ang kanilang pamilya sa umaatikabong kaganapan sa huling dalawang episode ng Flower of Evil.
Malapit nang mapatunayan nina Daniel at Iris na inosente ang asawa at hindi kriminal dahil si Jacob ang totoong kasabwat ni Abel (Gardo Versoza), ang tatay ni Daniel na kilalang serial killer.
Mas magiging komplikado pa ang sitwasyon dahil parehong mag-aagaw buhay sina Daniel at Jacob matapos ang kanilang madugong pagtatagpo.
Tutukan ang killer finale ng Flower of Evil sa Viu, iWantTFC, at IPTV (USA and Canada only) ngayong Huwebes (Oktubre 6) at Biyernes (Oktubre 7) ng 8 PM at sa Kapamilya Channel, A2Z, at Jeepney TV sa Sabado (Oktubre 8) at Linggo (Oktubre 9) ng 9 PM.
Ang Flower of Evil ay idinirehe nina Darnel Villaflor at Richard Arellano at nagtatampok din kina Agot Isidro, Denise Laurel, Joross Gamboa, Joem Bascon, Epy Quizon, Rita Avila, Jett Pangan, Pinky Amador, at Joko Diaz.