NASUNGKIT ng ABS-CBN, ang 16 national honors sa 2022 Asian Academy Creative Awards (AAA), na kakatawanin muli ang Pilipinas sa regional awards sa Singapore sa Disyembre 8.
Makakalaban ng 16 na programa at personalidad ng ABS-CBN ang mga national winner mula sa ibang bansa sa Asia Pacific, kabilang ang kasalukuyang Best Entertainment Host na si Vice Ganda na nominado muli sa parehong kategorya.
Mayroong anim na national winner titles naman ang The Broken Marriage Vow kasama rito sina Jodi Sta. Maria bilang Best Leading Actress at Zaijian Jaranilla bilang Best Actor in a Supporting Role. Itinanghal din ang hit series bilang national winner para sa Best Adaptation of An Existing Format, Best Promo o Trailer, Best Editing (Rommel Malimban), at Best Theme Song o Title Theme (Gusto Ko Nang Bumitaw ni Morissette).
Panalo naman ang It’s Showtime ng dalawang titulo—Best General Entertainment, Game, o Quiz Program at Best Direction (John Moll).
Apat na programa ng ABS-CBN din ang nanalo sa kani-kanilang kategorya. Ito ang KBYN: Kaagapay ng Bayan(Best Current Affairs Program or Series); ASAP Natin ‘To” (Best Music or Dance Programme); Maalaala Mo Kaya – Beauty Behind Bars Episode (Best Single Drama o Telemovie/Anthology Episode); at The Crawl Singapore ng Metro Channel (Best Lifestyle Programme).
Hindi rin nagpahuli ang ibang Kapamilya artists na masungkit ang ibang national winner titles kabilang si Dimples Romana ng Viral Scandal (Best Actress in a Supporting Role) at Pepe Herrera ng My Papa Pi (Best Comedy Performance).
Samantala, Best Feature Film naman ang Kun Maupay Man It Panahon (Whether The Weather Is Fine).