Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
LAGOT ang mga ama ng sanggol na isinilang ng mga babaeng inabandona ng kanilang asawa o partners
kapag nagpabaya at walang sustentong ibinigay sa mga pangangailangan ng anak.
Nagkaroon ng isang kasunduan o memorandum of agreement ang Philippine Attorney’s Office (PAO) at ang Department of Social Work and Development (DSWD) na mayroong batas na magpaparusa sa mga amang nag-abandona sa kanilang mga anak, legitimate o illegitimate ang anak, sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Defining the Violence Against Women and Children Providing Support to the Victims.
Medyo unfair yata sa kalalakihan kung halimbawa ay itinago ng babae ang anak at ayaw tumanggap ng sustento?
Si lalaki ba ay may karapatang magsampa ng kaso laban sa ina? Hindi ba ayon sa batas kung willing naman ang ama na magsustento, kapalit na puwedeng bumisita o mahiram ang anak ng ama lalo kung may mas higit na kakayahang pinansiyal ang ama kompara sa ina?
Ang problema ay may mga ina na matapang pang tumanggi sa sustento at hindi puwedeng hiramin o ipakita ang anak sa ama dahil sa matinding galit ng babae.
Kung ilalaban sa korte, kung ang anak ay wala pang pitong taong gulang, dapat sustentohan ang basic needs ng bata.
Provided na puwedeng mabisita o mahiram ng ama depende sa pag-uusap dahil ito ay marapat lamang na nasa custody ng ina.
Pero kung walang trabaho ang ina at may kakayahan ang ama, puwedeng i-custody ang anak sa pangangalaga ng ama kapag seven years old na ang bata.
Kapalit nito, ang ama na ang gagastos maging sa pag-aaral ng anak hanggang kolehiyo. Walang ina na gustong mawalay sa kanilang tabi ang anak. Totoo ‘yan. Pero kung mas matapang ang ina at ipagdamot na makilala ang ama ng bata, e korte na ang nararapat.
Ang tinutukoy na sitwasyon ay kung ang lalaki ay may pananagutan sa buhay o may tunay na pamilya.
Kung naging taksil si mister sa kanyang misis at nakabuntis si mister ng ibang babae. Kaya depende sa sitwasyon.
Problema kung minsan ang mga nabuntisan o naanakan, bilang ganti sa nakabuntis, itatago ang anak sa ama nito dahil gusto ni babae ay panagutan hindi lang ang anak kundi pati siyang nabuntis.
Si lalaki taranta ngayon, siyempre mas pipiliin ang tunay na asawa o pamilya.
Ano’ng mangyayari pagdating ng panahon? Si babae nakatagpo ng tunay na magmamahal sa kanya at bubuo ng sariling pamilya, ‘yung naging anak niya sa lalaking may asawa na, na pinagdamutan niya na hindi makita ng ama nito, at ayaw tumanggap ng sustento, unti-unti nang napapabayaan.
Ang bata kapag nagkulang ng atensiyon kadalasan lumalaking gago. Nagiging salot ng lipunan. Dahil sa ere ng ina na ipagdamot ang anak sa tunay na ama.
Ang kadalasang epekto ay lumalaki ang bata na galit sa mundo. Hindi na alam kung tama ang ginagawa. Lack of love, lack of attention sa mga tunay na magulang na ipinagkait sa anak.
Kaya dapat sa mga babaeng pumapatol sa mga may karelasyon na o asawa, esep-esep muna bago magpabuntis.