PATAY ang isang 3-anyos nene nang masagasaan ng isang sport utility vehicle (SUV) habang naglalakad kasama ang isa pang kapwa paslit, sa Parañaque City nitong nakaraang Martes, 20 Setyembre.
Ang biktima, kinilalang si Rhaymarie Jane Sampang, residente sa Barangay San Antonio, Parañaque City.
Reklamong reckless imprudence resulting in homicide at physical injuries ang isinampang kaso sa driver na si Rodolfo Cudiamat, 68 anyos.
Sa CCTV footages ng GMA News, ang biktima, kasama ang isa pang paslit na babae ay magkahawak ng kamay na naglalakad sa kalye nang isang SUV ang lumiko pakaliwa at nasagasaan ang biktima habang ang kasama nito ay nakaligtas pero nagkagalos din.
Kaagad kinuha ng kaniyang kuya ang nasagasaang paslit habang ang ilang kalalakihan ay humabol sa SUV dahil nagtuloy-tuloy lang ang sasakyan.
“Sabi ko, ‘boss may nasagasaan kang bata, akin na ‘yung susi mo.’ E ayaw ibigay. Hindi ko nakita na may bata, ‘yun ang sabi niya,” sabi ng saksing si John Bert Lopez.
Katwiran ng driver, hindi niya nakita na may mga bata, hindi naniwala ang mga residente dahil dalawang speed humps ang kanyang dinaanan.
Sinabi ng ama na si Raymond Sampang, construction worker, ibinilin niya lang ang biktima sa dalawang nakatatandang kapatid, edad 11 at 12 anyos bago siya pumasok sa trabaho.
Hindi pa nagkikita ang biktima at inang overseas Filipino worker (OFW) na kadarating pa lang sa bansa mula sa Saudi Arabia dahil isinalang pa sa quarantine. (GINA GARCIA)