HINDI nagtagumpay ang isang dayong babae mula sa Tarlac na ikalat ang dalang shabu sa lalawigan ng Bulacan matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Bocaue nitong Lunes, 19 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Arnel Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, ikinasa ng magkakatuwang na elemento ng SOU 3 PNP DEG sa pamumuno ni P/Lt. Col. Heryl Bruno bilang lead unit, PDEA RO3, PIU Bulacan, PDEU Bulacan at Bocaue MPS ang buy bust operation sa Brgy. Tambubong, sa nabanggit na bayan dakong 1:44 am kahapon.
Nadakip sa operasyon ang suspek na kinilalang si Maria May Manlapig, alyas Maymay, 47 anyos, may asawa, at residente sa Brgy. Sta. Rosario, Capas, Tarlac.
Nakompiska mula sa pag-iingat at kontrol ng suspek ang pitong selyadong pakete ng plastik ng hinihinalang shabu, may timbang na 45 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P306,000; isang medium-sized na brown envelope, naglalaman ng boodle money; at isang cellphone.
Sa ulat, nasubaybayan ng mga awtoridad ang suspek, mula sa Tarlac ay bumibiyahe sa Bulacan upang maghatid at magbenta ng shabu sa mga kliyenteng user.
Pansamantalang nasa kustodiya ng PNP DEG ang suspek para sa nararapat na disposisyon at habang nagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)