SAMPUNG hinihinalang drug personalities ang inaresto kabilang ang isang babae nang maaktohang gumagamit ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na drug operations ng pulisya sa Valenzuela City.
Batay sa isinumiteng ulat ni P/Cpl. Glenn De Chavez kay Valenzuela City police chief, Col. Salvador Destura, Jr., nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Joel Madregalejo ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa nagaganap na illegal drug activity sa Block 4 C. Molina St., Brgy. Veinte Reales.
Kaagad bumuo ng team ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/SSgt. Samson Mansibang saka nagtungo sa naturang lugar upang magsagawa ng validation.
Pagdating sa lugar dakong 9:00 pm, naaktohan ng mga operatiba ang mga suspek na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang barracks na nagresulta sa pagkakaaresto kay Cris Gared Polangcos, 26 anyos, miyembro ng demolition team; Michael Morano, 27 anyos, Romel Francisco, 25 anyos, at Eduardo Gaban, 39 anyos, pawang construction worker; at si Dionisio Afante, 36 anyos, electric rewinding motor.
Nakompiska sa mga suspek ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng tatlong gramo ng hinihinalang shabu, nasa P20,400 ang halaga at ilang drug paraphernalia.
Nauna rito, dakong 1:40 am, nang maaktohan din ng kabilang team ng SDEU, sa pangunguna ni P/SSgt. Gabby Migano sina Julius Muyo, 32 anyos, Patricio Ringor, 39 anyos, Meschiary Mercado, 22, Jose Ringor, Jr., 41, at Jay-Ar Bacalando, 24, na gumagamit ng ilegal na droga sa Block 22 Lot 11 Northville 2, Brgy. Bignay.
Ani P/Cpl Pamela Joy Catalla, nakuha sa mga suspek ang isang cut opened transparent plastic sachet na naglalaman ng isang gramo ng hinihinalang shabu na nasa P6,800 ang halaga, at mga drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)