PARA LABANAN ang malnutrisyon sa bawat komunidad, nag-ikot ang mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Taguig kasama ang ilang Barangay Nutrition Scholars (BNS) sa lahat ng barangay sa lungsod upang mamahagi ng complementary food packs para sa mga batang may edad mula anim hanggang 23 buwan.
Ayon sa Taguig City Nutrition Office, ang mga food pack ay naglalaman ng mga gulay tulad ng kalabasa, carrot, at kamote. Mayroon din itong kasamang cooking oil, iodized salt, bread sticks, at nutri-oats, itinuturing na mahahalagang pagkain para sa mga bata para labanan ang malnutrisyon.
Bago ang mismong distribusyon, nagsagawa ng maikling oriyentasyon ang mga kawani upang bigyan ng kaalaman ang mga magulang tungkol sa kahalagahan ng wastong nutrisyon ng mga bata at paano ito pananatilihin para sa ikabubuti ng kanilang kalusugan.
Mahigit 910 bata ang bibigyan ng food pack sa buong lungsod kada dalawang linggo sa loob ng 120 araw.
Ang programang ito ay isa sa mga pangunahing inisyatibo ng pamahalaang lungsod upang labanan ang malnutrisyon sa bawat komunidad. (GINA GARCIA)