NAANTIG ang netizens ng isang 30-anyos lalaki mula sa bayan ng Gian, sa lalawigan ng Sarangani, na nag-enrol sa Grade 1, sa parehong paaralan kung saan nag-aaral ang kanyang anak upang matutong magbasa at magsulat.
Hanggang nitong Miyerkoles, 7 Setyembre, umabot sa 5.1 milyong views; 671,000 likes, at 17,100 comments ang video ni Rizalde Bisalona, na nakaupo sa loob ng silid-aralan ng Tamala Elementary School, sa nabanggit na bayan.
Ipinost ng isang Anne Patigayon sa TikTok noong Biyernes, 2 Setyembre ang video kung saan makikitang sumasagot sa mga tanong ng guro si Bisalona.
Nabatid, sa naturang paaralan din pumapasok ang panganay na anak ni Bisalona na nasa kindergarten habang siya ay nasa klase ng mga batang may edad anim hanggang pitong taong gulang.
Sa kabila ng malaking agwat ng edad sa mga kamag-aral, sinabi ni Bisalona, determinado siyang matutung magbasa at magsulat.
Aniya, nag-enrol siya sa Grade 1 upang may magawa habang naghihintay na matapos ang klase ng anak.
Sa video, sinabi ni Bisalona, alam niyang isulat ang kaniyang pangalan ngunit hindi niya alam kung anong mga letra ang isinulat.
Maraming netizens ang nag-alok ng tulong at humanga sa determinasyon ng ama ng apat na bata na matutong magbasa at magsulat sa kabila ng kaniyang edad.