SA KULUNGAN na didiskarte ng kabuhayan ang live-in lovers na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, matapos makuhaan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek na sina Shiela Francia Guy, 39 anyos, at Michael Bonan, 47 anyos, kapwa residente sa R. Padilla St., Brgy. San Jose ng nasabing lungsod
Ayon kay Col. Ollaging, dakong 10:05 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., ng buy bust operation sa pamamagitan ng undercover police na nakipagtransaksyon ng P5,000 halaga ng droga kay Guy.
Nang tanggapin ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu agad inaresto ng mga operatiba ang suspek kasama si Bonan na nakuhaan din ng hinihinalang droga matapos mag-deliver kay Guy.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 22 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P149,600, buy bust money, isang tunay na P1,000 bill at apat pirasong P1,000 boodle money, P500 recovered money at isang motorsiklo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)