Wednesday , December 25 2024

Mga pulis sa Blumentritt  Detachment, tunay  na mga trabahador

YANIG
ni Bong Ramos

KUNG may patimpalak o ‘di kaya’y kompetisyon para sa best police detachment of the year, walang katalo-talo ang Blumentrit police detachment sa lahat ng basehan at aspekto.

Ang nasabing detachment ay nasa ilalim ng kustodiya ng Manila Police District – Sta. Cruz Station (MPD-PS-3) na ang mother unit ay sa Quiapo, Maynila.

Nasasakupan nito ang isa sa pinakamalaking pampublikong palengke sa lungsod ng Maynila na kung tawagin ngayon ay Obrero Market o mas kilalang Blumentrit market.

Ang palengkeng ito ay maikokompara rin sa Divisoria at Quiapo na libong vendors na may iba’t ibang kalakal o paninda ang naglipana sa halos lahat ng kalye at eskinita.

Sa rami ng mga vendor dito, minamatiyagan ito ng hanay ng pulisya sa nasabing detachment, mula madaling-araw hanggang hatinggabi.

Pinanatili nito ang disiplina at kaayusan ng kalakalan ng mga vendor na may hangganan at limitasyon at hindi basta nakabalagbag.

Sa liderato ng kanilang detachment commander na si Lt. Ferdie Cayabyab, napanatili nila ang tulungan at pagkakaisa ng bawat panig, give and take basis, ‘ika nga.

Bagama’t estrikto at may kahigpitan itong si Tinyente, hindi masyadong iniinda ng mga vendor sa kanyang nasasakupan dahil araw-araw din naman silang nakapaglalatag dangan nga lang ay may patakaran silang dapat sundin.

Ang patakarang ito na mahigpit na ipipatupad ni Tinyente Cayabyab ay huwag na huwag silang bababa sa bangketa gayondin ang kanilang mga kalakal kung ayaw nilang magkaroon ng problema.

Hanggang sa kasalukuyan ay ganito pa rin ang nagiging kalakaran kung kaya’t maluwag pa rin ang kalsada para sa mga motorista gayondin sa mga pedestrian at mga mamimili.

Hindi rin matatawaran ang tiyaga at sakripisyo ng mga pulis dito sa nasabing detachment dahil madaling-araw pa lang ay nagtatrabaho na at umiikot sa kanilang area of responsibility (AOR) upang paalalahanan ang mga vendor hinggil sa kanilang limitasyon.

Kada 15 minuto ay walang ibang maririnig kundi ang atungal ng wang-wang ng kanilang mobil, back-to-back, motorsiklo na siguradong may kasunod na mga foot patrol na pumoposte bawat kanto upang pana-tilihin ang kaayusan at disiplina sa buong paligid.

Ito ang dahilan kung bakit natin binansagan na mga tunay na trabahador ang hanay ng mga pulis sa detachment ng Blumentrit, hindi nga naman ganoon kadali ang pagkuha ng respeto ng mga tao partikular na ang mga vendor.

Kung ikokompara mo sa ibang lugar at police detachment na may malaki rin palengkeng nasasakupan at inookupa ng sandamakmak na vendors, malayo ito sa Blumentritt dahil bihira rito ang kompiskahan ng mga paninda sa kadahilanang marunong sumunod sa mga reglamento at ipina-patupad na alituntunin ng mga awthoridad.

‘Di rin kailangan dito ang tulong ng DPS, MTPB at Engineering Department ng city hall upang panatilihin ang kaayusan at disiplina tulad ng nangyari sa Quiapo at Divisoria na walang kamatayang kompiskahan ng mga paninda ang naging paraan, hagis dito, hagis doon na walang intindihan at unawaan.

Dito sa Blumentritt ay behave ang lahat, masunurin at walang puknat na sinusunod lahat ang mga patakarang ipinapatupad ng awtoridad kung kaya’t walang nagiging problema. Ang mga patakarang ito sa awa ng Diyos ay nakasanayan at nakaugalian na sa araw-araw.

Ang mga patakarang ito ay hindi ningas-kogon dahil sa kulang tatlong taong pananatili ni Tinyente Cayabyab dito sa Blumentrit ay walang nabago at nag-iba sa kalakaran segun na lang siguro sa mga alert status na idedeklara ng gobyerno.

Ito ang kadahilanan kung bakit nasabi nating walang talo sa award bilang best police detachment of the year ang Blumentritt detachment gaya ng nakasanayan natin noong araw sa MPD na binibigyan ng parangal ang lahat ng estasyon, detachment, indibiduwal, at iba pang mga tao na nagpakita ng pagiging tunay na ehemplo.

About Bong Ramos

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …